Sa loob ng lihim na kuwarto ng E-heads

Kinahuhumalingan ko ngayon ang panoorin sa Youtube ang mga music video ng Eraserheads. Naaliw ako sa tuwing nakikita ko kung paano isinalin sa MTV ang ilang sa kanilang mga klasiko at sikat na kanta.   Mula sa  melodramatikong “Ang Huling El Bimbo” hanggang sa maingay at madilim na “Maskara,” matuturing pa ring pambihira ang ginawang interpretation ng E-heads sa kanilang mga MTV sa pamamagitan ng kanilang kakaibang mga konsepto, kapansing-pansing mga liriko at nakakatuwang pagtutugtog ng mga gitara’t drums. Kaya’t hindi nakakapagtaka kung nagwagi ang Eraserheads ng isang gantimpala mula sa MTV Asia Music Awards noong 1997 para sa mtv ng “Ang Huling El Bimbo.”

***

Isang bagay na aking napansin sa pagsubaybay sa mga Mtv ng E-heads ay tila nagtataglay ang mga ito ng subliminal message na tungkol sa pagiging sarado  o closed ng mga tauhan sa mga kanta. (Malaya ring isipin na tumutukoy din ito sa katauhan ni Ely Buendia, na kilala bilang tahimik, at hindi mahuhulaan ang mga susunod niyang na bibitawang mga salita.) Bukod pa rito, mayroon ding namamayaning tema ng kadiliman o kalungkutan sa mga video na ito. Simulan na lamang sa “Ang Huling El Bimbo.” Alam naman nating lahat na malungkot ang naging katapusan ng kanta dahil nga namatay ang babaeng pinapangarap ng persona na maging kasintahan: “Lahat ng pangarap ko ay bigla nang natunaw/ sa panaginip na lang kita maisasayaw.”  Subalit, lalo pa itong pinaigting ng “atmosphere” sa video na kung saan sumasayaw sa isang madilim na kwarto, na iniilawan lamang ng mga kandila, ang isang babae kasama sina Ely, Raymund Marasigan, Marcus Adoro at Buddy Zabala. Sukdang umabot ang kalungkutang ito sa bahaging pinunit na ng apat ang mga papel na maaaring loveletter or di kaya rekwerdo nila sa babaeng ito.

***

Mapapansin din ang setting na  “madilim-na-kwarto-na-may-mga-kandila” sa MTV ng “Trip to Jerusalem.” (Nanghihikayat ang kanta sa pagtuligsa sa “komersyalisado at gasgas nang pagdiriwang ng Pasko”.) Sa nasabing video, makikita na may isang babaeng nakaputi ang suot na t-shirt at maikling shorts na sa una ay nakahilata lang sa kama. Ngunit, sa bahagi ng chorus ng kanta, sumasayaw na ang babae. Suryealistiko naman ang kabuuang nilalaman ng video na ipinakikita sa pasalin-salin na paraan ang ilang eksenang sumisimbolo sa Kapaskuhan at Kristiyanismo: mga baka, ang Simbahan ng Santo Nino, isang pulang upuan.   

Mayroon ding kahalintulad na tema ang mga awiting “With A Smile”  at “Maskara.”  Mapapasin sa “With A Smile” na nagtapos ang naratibo ng video sa isang half-empty na swimming pool na kung saan nagdiriwang ng animo’y birthday party ang batang babaeng karakter kasama ang apat na miyembro ng banda. At mala-Alice In Wonderland pa ang dating ng kanilang celebration, dahil naka-costume pa ng mga laruang pambata sina Ely, Raymund, Marcus at Buddy. Pero di tulad sa “El Bimbo” at “Trip to Jerusalem,” tila may iniiwang mensahe ng pag-asa ang kanta dahil ipinakita rito na masayang kumakain ng ice cream ang bata, at sinundan naman ito ng eksena na naglalakad siya sa isang hardin na tila papabalik sa pinanggalingang bahay.

Ngunit kasukdulan sa tema ng madilim na mensahe at setting ang video ng “Maskara.” Sa lyrics pa lang, mapapansin na ito: “Kung may problema ka/magsuot ng maskara/ takpan ang iyong mga/buong mundo ay maiiba.” Tila nais iparating ng kantang ito na may mga pagkakataong kailangan nating magkunwari upang kahit papaano ay matakasan natin ang mga problema sa buhay. Masasabi namang nailapat sa mtv ang mensaheng ito dahil inilarawan sa video ang pagkuha ng isang “face snatcher” sa mga mukha ng mga kalahok sa video at ang paghahanap ng mga tao sa kani-kanilang mga maskara/mukha, sa bandang pagtatapos ng video.

***

Kung maaari lamang ma-interview si Ely Buendia ay di sana malalaman natin ang kahulugan ng paggamit sa isang kuwarto o kulob na espasyo bilang pangunahing setting sa mga mtv ng E-heads. Siya ang naging isa sa mga director ng mga video, at masasabi ring isa sa mga nangunang nagplano ng konsepto ng mga video na ito. At sana rin matanungan din ang tatlo pang dating miyembro ng banda upang malaman kung ano ang naging papel nila sa pagbalangkas ng video.  Sa ngayon, sapat nang sabihin na nagdagdag ng misteryo ang paggamit ng madidilim na kuwarto sa mga magaganda na at nakatutuwang video ng Eheads.

 

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s