Ano

Isang salita ito
Na mayroong
tatlong letra.
Ngunit kayang ilahad,
ang di masabi
Ng mga kataga,
o mga pariralang
nawaglit sa dulo
Ng pananalita.
Bigla itong
susulpot,
sa gitna ng mga kagipitan
Ng dila.
Halimbawa, kapag
mayroon kang nais
Na sabihing detalye,
Tungkol sa isang
guhit,
kulay,
o hulagway,
Ngunit, ni isang letra
ng mga ito
ay iyong narinig mula sa
sarili mong dila:
“‘Yung ano kasi
Nahulog doon sa
Ano. Naano kasi eh.”

Isang salita ito
Na mayroong tatlong letra,
At mariing humihingi
Ng dagdag na kaalaman,
Mula sa kabilang panig
tungkol sa nasambit nitong
Mga salita.
Gaya ng
Paglalarawan sa isang
kaganapan,
sa isang
Pang(ng)alan
O nais na mangyaring
Mithiin.
At iba pang
Cheche bureche.

Subalit, maaring
Mabaliktad
Ang tungkulin,
Nitong salita
Na mayroong tatlong letra,
Tulad noong nadudulas
Sa balag ng alanganin
ang paa ng katiyakan
ng kasagutan,
Habang iyong tinatanong
Ang kausap mo,
Matapos ang sandali
Ng katahimikan:
“Ano na ba
Ang susunod
Na mangyayari?”

Higit pa sa tatlong letra
ang kaanuhan
nitong
Ano.

One thought on “Ano

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s