Tindahan ni Aling (Toyang)

Sa gitna ng salimbayang busina, halakhak, usok, sigaw-negosyo at mabilis na paggalaw ng mga oras dito sa Tandang Sora Avenue, Balara ay may nakatirik sa tabi ng kalsada na isang tindahang halos hindi kapansin-pansin para sa mga nagmamadaling mata gaya nang sa akin. Tulad ng ibang sari-sari store, mayroon itong karatulang gawa sa bakal na may nakalathalang pangalan ng may-ari nito, at sa tabi nama’y isang tarpaulin nagpapapatalastas ng e-load sa selfon. Sa harapa’y mayroong itong mga grills na siyang humihiwalay sa mga paninda at mga mamimili. At kahit hindi pa ako nakabibili roon ay tiyak akong nagbebenta rin ang tindera nito ng softdrinks, kendi, sisterya atbp…Isa nga itong karaniwang tindahan. Oops, tignan ko ulit ‘yung karatula sa itaas! “Toyang” ang nakasulat doon. (At may kasama pang larawan ng may-ari nito!) Kapagkuwan, biglang sumisingit sa aking gunita ang mga eksena ng masasayang paghampas ni R. ng drums, ang mapanuksong pagniniig nina M. at B. sa kwerdas ng mga electric guitar at ang mala-sigaw na papuri ni E.: Bahay namin maliit lamang/ pero pero pero malinis ito/ pati ang kusina. Ito ay sa gitna ng sigawan at palakpakan ng mga kabataang pinapanood ang noo’y bagong sulpot na combo.  Toyang. Too Young. Toyang. Walang libro o balita o tsismis o website ang naglahad sa akin ng lihim na tindahang ito. Maaaring minsang tumambay rito ang Apat matapos ang maghapong pagja-jamming sa Molave Dormitory o hindi kaya’y pag-iikot sa campus ng Peyups sakay ng jeep matapos na mabigo sa panliligaw sa ilang tsiks. O baka naman ay mayroon silang pinag-uusapang planong isasangguni kinabukasan kay Sir Robin para mapaganda pa ang pagrekord nila sa kanilang musika’t kanta.  Maaaring totoo. Maaaring hindi. Hindi na mahalaga ito, sa kasalukuyang panahon ng pagdududa sa anumang pinananiwalaang Katotohanan.

Anupaman, nagkaroon na ng muhon ang aking mga mata sa lugar na ito sa gitna ng patuloy na pagsasalimbayan ng busina, halakhak, usok-karbon, sigaw-negosyo at ang mabilis na pagdaan ng oras dito sa Tandang Sora Avenue, Balara.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s