Isang pangangaral

Iho, huwag mo nang pangahasin pang lumihis sa landas na matagal nang inihawan naming mga matatanda para sa inyo. Minsang nabanggit mo sa akin dati na gusto mong lumiko sa daang sinasabi ko namang makatutulong sa iyo na makarating sa iyong paroroonan nang madali. Aba, bakit mo pa ipinoproblema iyon? Hindi hamak na mas marami sa amin ang nauna na sa inyo na tahakin ang landas na iyon at halos lahat naman sa amin ay nakarating sa tuktok nang mahinusay. Ikaw sige, gusto mo talagang bumagtas ng bagong daan doon sa masukal na gubat? Hindi mo ba alam, maraming mga nakaambang halimaw at lamang-lupa ang nagkukubli sa pagitan ng dawag at mga puno, at handang sumila sa sinumang magkamali ng daang binabagtas? Saka nga pala, hindi mo ba alam na matagal nang ipinagbabawal ng ating bayan ang paghawan ng panibagong landas patungo sa bundok? Marami na kasing mga naunang kabataan, na kasing-pangahas mo, ang napahamak dahil sinundan ang silakbo ng kanilang pagtataka. May ilan na lumiko lang ng kaliwa ay may natapakang punso ng engkanto kaya pagkauwi nila ay biglang nagsilakihan ang kanilang mga paa. Yaong ibang walang patumangga sa paglalakbay ay nadupilas naman sa daan, habang malakas ang ulan, kaya hayun nahulog sa mabatong bagtas at umuwing nagkasugat-sugat ang mga braso’t binti. May isa namang binata ang nakasalubong ang ilang malalaking mama na may mga hawak na gulok at baril at muntikan nang habulin ng taga at paulanan ng bala kung hindi lamang siya nakiusap na siya ay babalik na sa kanyang pinanggalinan…

Kayo talagang mga kabataan, tumitigas na ang inyong mga ulo at lumalala na ang inyong mga baltik, pero hindi naman nag-iingat kapag ginagawa niyo na ang mga gustong hindi pa dapat pinagbibigyan sa inyo! Ang inyong kapusukan….

At patuloy sa paglilitaniya ng mga hinaing at sama ng loob tungkol sa amin si Ingkong habang ako nama’y dilat ngunit nananaginip nang gising at pinag-iisipan naman kung kailan ako aakyat sa bundok gamit ang daang gusto kong bagtasin….

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s