Agosto 19, si Manuel Quezon, at “Wikang Pambansa”

Habang patapos na ang araw na ito- na idineklarang isang non-working holiday sa Quezon City at ilang lugar- ngayon ko lang naalala ulit na tinaguri si Manuel Quezon bilang ama ng wikang pambansa.   Ngayon ko ulit naalala na Buwan ng Wikang Pambansa ngayon.  At ngayon ko naitatanong bakit tinuturing “Wikang Pambansa” pa rin ang pangunahing tawag  sa Filipino.  Sa palagay ko, ipinapakita ng naturang taguri ang “identity crisis” natin. Sa unang banda, may bahid ng kolonyalismo ang “Filipino” dahil halaw ito sa ngalan ni Felipe II na siyang ipinangalan sa ating kapuluan. Sa kabilang banda naman, ayaw tanggapin ng ibang mananaliksik, manunulat at iba pa ang “Filipino” bilang national language natin. Anila’y ito ay dahil pawang Tagalog naman ang salita at gramatika nito na hindi sumasaklaw sa iba pang mga salita at konseptong ginagamit ng mga hindi-Tagalog . Kaya’t upang walang kilingang panig, “Wikang Pambansa” na lang ang tila napagpasiyahang gamitin taguri.   Pero parang napaka-bland o abstrakto ng pangalan, walang malinaw na konsepto o kakanyahang (identity) na isinisimbolo.

Oo nga’t isa pa itong language-in development- patuloy pa ring binubuo ito, base sa mga pagpasok ng mga salita mula sa iba’t ibang wika ng bansa at dayuhang lingguwahe, at ayon na rin sa kahingian ng panahon. Pero paano malilinang ito kung sa pangalan pa lamang ay hindi pa tiyak kung ano ang itatawag?  Kung idadahilang language in development ang Filipino, hindi ba’t ganoon rin ang pangkalahatang katangian ng ibang mga wika, hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa ibayong dagat?

Kailan kaya natin tatawagin ang Agosto bilang Buwan ng Filipino? At siya nga pala bakit kay Quezon lang nakadikit ang Buwan ng Filipino-dahil itinaon nga sa buwan ng kaniyang kapanganakan ang paggunita sa kahalagahan ng Filipino bilang wikang magpapabuklod sa atin.  Oo nga’t sa termino niya bilang Pangulo sinimulang gawing opisyal ang pagkakaroon ng isang katutubong wikang magagamit ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon sa pakikipagtalastasan. Subalit maraming indibidwal ang nasangkot rito na kailangang makilala rin gaya nang nabanggit ni Virgilio Almario sa isang panayam noong 2009(Para sa ibang detalye ng naturang talakay ni Almario ay basahin lamang ang post na ito )

Liping Albanian at Pilipinas

Kasalukuyan kong binabasa sa www.albanianhistory.net at www.albanian.literature.net ang mga dokumento, sanaysay, at mga tulang isinulat na patungkol sa bansa, at nasyong Albanian. Nagsimula lamang mapukaw ang aking interes rito nang mabasa ang mga salin sa Filipino ni Robert Anonuevo ng mga tula ng makatang Albanian na si Mimoza Ahmeti, ang “Awit,” “Retorikang Tanong Kay Kasamang X” at “Papel.”  At nitong dalawang huling linggo ng Disyembre ay nagbrowse na ako sa dalawang nasabing website para pag-aralan pa ang naging takbo ng panitikang Albanian, kaalinsabay naman ang kasaysayan ng nasabing bansa at ng pangkalahatang lahing Albanian.

Batay sa naging pagbabasa ko rito, na sumuhay naman sa mga nauna ko nang pagbabasa hinggil sa kasaysayang Balkans (rehiyon sa timog-silangang Europa, na kung saan nanirahan ang liping Albanian), nalaman kong dumaan din sa mahahabang panahon ng pananakop ng mga imperyo ang mga Albanians. Nagmula nang lumagi na sa rehiyong Illyria ang mga Illyrians (na kinikilalang ninuno ng mga Albanians), matagal nang nakipagtunggali (o nakisama, depende sa mga pagkakataon) ang mga Albanians sa sunod-sunod na pagdating ng mga mananakop mula sa Asya at Europa: Romano, Germanico, Slavs, imperyong Byzantine, at mga Ottoman Turks. Bagama’t nabuo ang isang estadong Albania noong 1912, sinakop naman ito ng Italya mula 1939-1944. Pagkatapos nito’y pinamunuan sila ng isang rehimeng Komunista na ika nga’y “pininid ang mga pinto” mula sa mundo hanggang sa bumagsak ito noong 1992. Naimpluwensyahan naman ng mga kulturang banyaga ang tradisyon at wikang Albanian. Sa kasalukuyan, nabibilang ang  karamihan sa mga Albanian sa tatlong relihiyon (Islam-na dinala ng mga Turks, Greek Orthodox-na ipinalaganap ng imperyong Byzantine, at Simbahang Katoliko, na lumaganap sa rehiyon noong panahon ng mga Romano).

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang mga Albanian sa bansang Albania mismo, sa bagong-tatag na bansang Kosovo (na dating lalawigan ng Serbia,) at ilang rehiyon sa mga karatig-bansang Montenegro, Macedonia, Greece at pati sa katimugang Italya.

Mapapansin rin ang bakas ng kasaysayan sa naging takbo ng panitikang Albanian. Batay sa paghahanay ni Robert Elsies sa www.albanian.literature.net, mahahati ang panitikang Albanian sa tatlong panahon: ang sinauna, panahong klasikal, at panahong moderno. Nasasakop sa panahong sinauna (early) ang mga manunulat na nagsulat noong papapalit-palit pa ang mga naghaharing pinuno sa mga Albanian (Griyego, Slav, Albanian, Ottoman Turk). Kapansin-pansin dito ang paggamit ng mga may-akda ng mga imahe at ideyang hinugot sa mga tradisyong Islam, at Kristiyano. Kabilang sa mga namumukod-tanging awtor sa panahong ito ay sila Konstandin Berati (na umakda ng isang 44-linyang tula tungkol kay Birheng Maria), Nezim Frakulla (na kapansin-pansin ang mapagmalaking-tinig sa kaniyang mga tula tungkol sa pag-ibig, bukod pa sa paggamit sa pormang “divan” ng mga Turko sa kaniyang panulaan), at si Hasan Zyko Kamberi.

Tampok naman sa panahong klasiko ang panulat ng mga Albanian na nadestierro sa ibang bansa (hal. Italya, Estados Unidos). Kabilang sa panahong ito sila Asdreni (pseudonym ni Aleks Stavre Drenova) at Fan Noli (isang obispong Orthodox na nagsibli ring pangulo ng bansang Albania noong 1920s). Tinatampok ni Asdreni sa kaniyang mga tula ang mga lugar, at bagay (hal. Dagat Adriatico, flute, watawat) na may kinalaman sa bansang Albania. Samanantala, iniluksa naman ni Fan Noli ang pagkamatay ng isang kababayan na isinisi sa isang ahente ng karibal-politikal ni Noli.

Masasabing mas malawak ang saklaw at komplikado ang pagdulog ng mga tulang isinulat ng mga manunulat sa modernong panahon. Mababakas ito sa mga akda nila Mimoza Ahmeti at Eqrem Basha-na kapwa tila abstrako ang mga ginamit na lunan at tauhan sa mga tula) at  Romeo  Collaku (na gumamit ng anyong tulang-tuluyan sa marami niyang akda). Kapansin-pansin naman na gumamit ng mga eksena at pananaw- Albanian si Fatos Arapi, na maaaring magbigay ng ideya sa mambabasa sa buhay sa Albania noong huling 3 dekada ng ika-20 siglo.

Batay sa aking pagsuyod sa nasabing websites ni Eslie, masasabing may tatlong magkahalintulad na sitwasyon ang Albania sa kasaysayan at panitikan ng ating bansa. Una, ang papel ng mga dayuhang kultura sa paghubog ng tradisyon at kasaysayan nito. Pangalawa, ang ebolusyon ng pantikang Albanian mulang sinauna (na lipos sa mga imaheng relihiyosos at tradisyonal na metapora) patungong modernong panahon (na masasabing mas malawak ang saklaw). Makikita rin ang ganitong ebolusyon sa ating mga nasusulat na panitikan. Pangatlo, ang presensya ng isang diaspora 9o mga pamayanan sa ibayong-dagat). Ang kaibhan lamang ay nagsasalita ng isang wika ang mga Albanian, mapa-saloob ng bansa o sa labas (bagama’t nahahati ito sa iba’t ibang dayalekto); sa kaso natin ay sinasalita kahit sa ibang bansa ang mga wikang katutubo.

Masasabi ko na hindi lamang tignan ang Albania bilang isa sa mga lunan (setting) sa Florante at Laura, kung hindi isang bansa na bagamat may sariling kasaysayan ay nagtataglay rin ng mga magkatulad na katangian ng sa atin. At ito ang siyang dapat pang pag-aralan natin upang lumawak pa ang ating mga pananaw sa kasaysayan at politika.

Pahabol sa “Aming Bandila”

Noong November 17 ay naipost ko rito ang saling-Pilipino ng tulang “Among Bandila” ni Tomas Baguio. Bahagi ang pagsiping ito sa piyesa ko hinggil sa dalawang tulang naisulat noong unang dekada ng 20th century na pumapaksa sa ating bandila. Narito ang orihinal na bersyon sa Sebuwano ng tulang ” Among Bandila:” (Aming Bandila)

Among Bandila (1907).

Tomas Baguio

Mao ang sa mahimayaong banagbanag
Sa Adlaw sa Kagawasan gibanwagan
Sa kahitas-an sa human malumpag
ang bilanggoan sa among Yutang Natawhan.

Sa kahitas-an (k)o, anaa siya, anaa
Ginahuros sa tanang kahanginan;
Apan nianang mananaog nga Agila
Dili madagit, dili kahilabtan.

Kay nasayud ang tubuok kalibutan
Nga tungud kaniya daghang nangagas
Nga dugo sa among mga kaigsoonan;
Busa alaut kaniya ang motampalas!

Nianang mga bulok niya nga bughaw,
Mapula ug maputi mobuling dili
Kanang mahugawng bulok sa katalaw
Nga sa pagkaolipon maoy buhing binhi

Kanang Adlaw ug tolo ka bitoon
Nga, mga maanyag,  gipatik kaniya,
Dili mangapala bisan dagiton
Si Pilipinas ning dakulang Agila

Oh, ang among Bandila ginasimba,
Ginalabanan namo sa gihapon
Sa tanang panahon ug bisan asa
Bisan pa sa baba sa Kamatayon!

Kon magun-ob ang Langit ug ang Yuta,
Kun kong kaniya wala nay kaugbokan,
Nga sa among Lubnganan kami mangita
Dapit diin gihapon siya kahalaran…

 

Sanggunian: Panulaang Cebuano (1993), pp.90-92 Tinipon ni Erlinda Alburo, salin ni Don Pagusara. May Pambungad ni Resil Mojares.

Wikang Filipino at Bahasa Indonesia

Kasalukuyan kong tinatapos basahin sa Googlebooks ang librong The Indonesian Language: Its history and role in modern society (2003). Isinulat ito ng lingguwistang si James Sneddon; tinatalakay at isinalaysay rito ang ebolusyon ng Bahasa Indonesia bilang wikang pambansa . Bagamat sinasabi ng mga eksperto na ito rin ang wikang Malay na siya ring sinasalita sa karatig bansang Malaysia, sumailalim na ang Bahasa Indonesia ng mga pagbabago pagdating sa ortograpiya at mga salita dulot na rin ng paglalahok ng mga salita mula  na ng iba’t ibang wika (Javanese, Sundanese, Acehenese etc.). Pinagkasunduan lamang itong gamitin ng mga intelektwal at manunulat noong dekada 1920 at 1930 sa gitna ng  kilusang makabayan sa Indonesia upang makalaya mula sa pamumuno ng mga Olandes (Dutch).

Kahanga-hanga ang mga detalyeng tinalakay ni Sneddon sa libro. Kabilang dito ang paglahad sa naging pagbabago ng wikang Malay mula sa klasiko nitong anyo  (High Malay)patungong wika na sinasalita ng mga taong-mula sa iba pang pangkat etniko ng Indonesia (Low Malay at Creole Malay). Tampok rin sa librong ito ang baliktaktakang pangwika na naganap sa Indonesia lalo na yaong panahon ng pananakop ng mga Olandes (noong ang bansa ay tinawag pang Netherlands East Indies) hanggang sa makamit nito ang kasarinlan noong 1949.

Mahalagang kapulutan natin ng mga aral ang librong ito lalo na sa kabanatang 6 ,7 at 8. Nakatuon sa mga nasabing yugto ang usapin sa modernisasyon ng wikang Bahasa Indonesia. Kabilang dito ang pagkilala sa naging papel ng mga Indonesian na mula sa sari’t saring pangkat etniko at antas sa lipunan upang mabuo at mapormalisa ang wikang Bahasa Indonesian.-Kung iuugnay natin ito sa sitwasyong kinahaharap ng Filipino, nabanggit na pala ni Virgilio Almario sa isang panayam noong Marso 2009 na malaki rin ang naging papel  ng mga delegadong di Tagalog sa pagpapanukala at pagsasakatuparan ng wikang pambansa.- Bukod pa rito ang usapin sa kung paano tatanggapin ang mga salitang teknikal at Kanluranin habang tinataguyod ang mga katutubong salita. Ganito rin ang naging suliranin ng mga dalubwika (linguists) natin simula nang pormalisahin ang pagbuo ng isang wikang pambansa noong 1930s. Yamang ang kaibhan lamang ay patuloy pa nating pinagdedebatehan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wika na nakabatay sa Tagalog (o sa anupamang wika ng bansa)  sa kabila ng ilang pagpupunyagi na itaguyod ang wikang pambansa.

May mga puntos na inihain si Snodden kaya madali umanong natanggap at lumaganap ang Bahasa bilang wikang pambansa sa Indonesia. Aniya, matagumpay lamang na maipapalaganap ang isang wikang pambansa kung ito ay tanggap na ng karamihan sa mga mamamayan. Kaugnay rito ang pananaw na hindi papapabor sa isang pangkat etniko ang pagtaguyod sa wikang pambansa habang kinaliligtaan naman ang iba pang mga wika. Matatandaang ganito rin ang naging  opinyon ng iba pang mga manunulat at dalubahasa sa Pilipinas na may pagdududa pagdating sa pagpapalaganap ng Filipino bilang wikang pambansa. Ani Snodden, naging bentahe ng Malay (na pinagbatayan sa Bahasa) dahil hindi ito ang wika ng isang pangunahing pangkat etniko sa Indonesia.

Mahalagang isaalang-alang ang puntong ito lalo na’t karamihan sa mga Filipino ay nagsasalita ng ibang wika na bukod sa Tagalog. Kailangan din isaalang alang ang potensyal ng mga wikang ito na makaaambag sa Filipino. Napatunayan na ng ilang proyekto gaya ng “Ambagan” ng U.P Sentro ng Wikang Filipino na kung saan nagmumungkahi ang mga eksperto ng mga salita mula sa ibang mga wika natin na maaaring isama sa Filipino. Kailangan lamang sigurong gamitin ang mga ito upang mapaunlad pa ang ating wikang pambansa.

Sanggunian:

The Indonesian Language: Its history and role in modern society: 2003