SINULOG BILANG KABILIN/PANUBLION: ILANG TALA SA PAGPAPALAGANAP SA KAPISTAHANG SANTO NIÑO SA CYBERSPACE

*Artikulo kong nakatakda sanang ilabas sa online journal na Palanublion. Tinapos noong Agosto, 2018*

 

Ang sinulog: Isang pambungad

Kilala ang Sinulog bilang isa sa mga pangunahing kapistahan ng mga Kristiyano-Katolikong Pilipino sa kontemporanyong panahon.  Isa lamang ang Sinulog sa mga pangunahing kapistahang gumugunita sa Batang Hesus.  Nariyan din ang kapistahan ng Santo Niño sa Tondo, Ati-Atihan sa Aklan, at Dinagyang sa Iloilo.  Mayroon ding naiulat na kapistahan ng Santo Niño sa Pandacan.  Ngunit sumentro ako sa Sinulog sapagkat may pamilyaridad ako sa naturang pagdiriwang gawa nang paninirahan ako sa Cebu sa aking kabataan noong unang hati ng dekada 1990.  Masasabing mayroon itong malalim na pinag-ugatan at isang uri ito ng tinatawag ng mga Sugbohanon na kabilin.  Karaniwang binibigyang-pakahulugan ang kabilin bilang “pamana” at naitutumbas din ito sa Hiligaynon na panublion (Estenzo-Ramos 2017). Bilang pamana, kinakailangang maipasa ang mga gawing ito mula sa nakatatanda tungo sa nakababatang henerasyon.  Isang banta naman sa pagpapatuloy ng mga nakagisnang tradisyon ang maaaring hindi na pagtangkilik ng mga bagong henerasyong namulat sa ibang uri ng kasayahan at iba’t iba na rin ang antas ng pagsunod sa mga relihiyon.  Subalit hindi lamang pagsasalin ng mga materyal na bagay ang ginagawa sa kabilin—saklaw din nito ang mga nakagawiang tradisyon.

Sisipatin sa papel na ito kung paano pinapanatili ang Sinulog bilang kabilin, lalo na ng mga Cebuano. Tatalakayin ng may-akda kung paano ginagamit ang cyberspace at internet, partikular ang Facebook at websayt, upang palaganapin ang diwa ng Sinulog bilang  institusyonalisadong kapistahan, bagama’t babalikan din ng pag-aaral ang nakaraan ng Sinulog bilang pambayang sayaw lalo na ng kabataan.  Partikular na gagamiting lente ang discourse analysis, lalo na iyong nakasentro sa social media.  Ayon nga kay Gwen Bouvier (2015, 149), bagama’t mayroon nang mga akademikong pag-aaral ang gumagamit sa social media, kakaunti pa rin ang mga pananaliksik na tumutuon sa ilang partikular na usapin, paris ng interaksyon ng wika, kultura, at gahum sa nagbabagong landscape ng social media.  Ani pa Bouvier (2015, 149), kailangan makipag-interak ng discourse studies sa iba pang larangan at teorya na bukod sa mga nakatuon mismo sa pag-aaral ng mga diskurso.  Lunsaran ko man si Bouvier, tataliwas ako nang kaunti sa kanyang metodo (na nakadiin sa multikulturalismo) sa pamamagitan ng pagtuon kung paano naiangkop ng mga Cebuano ang diwaing Kristiyano-Katoliko sa isa nilang katutubong tradisyon at paano nila pinadadaloy sa cyberspace at internet ang pagpapahalaga rito.  Masasabing hindi lamang limitado sa pisikal na pagdayo sa Cebu ang pakikipagdiwang sa Sinulog.  Kasangkapan din ang Facebook at websayt sa pagpapanatili, o mas akmang sabihing pagpapalaganap, bilang kabilin na mahirap tanggalin sa identidad ng mga Cebuano bilang etn0linggwistikong pamayanan.  Magagamit ang teknolohiya hindi lamang upang magpakalat ng mga balita o impormasyon tungkol sa kapistahan kundi maipakita rin, kahit hindi sinasadya, ang pagsasalin ng kabilin sa mga susunod na henerasyon.  Sisipatin ng papel kung anu-anong audio-visual na materyal ang kinasangkapan at kinakasangkapan pa rin, para mapanatili ang diwa ng Sinulog at maisalin ang pagpapahalagang ito sa mga susunod na henerasyon.  Sa partikular, susuriin sa sanaysay na ito ang mga sasangguniang Facebook page (https://www.facebook.com/SinulogFoundationOfficial/) at websayt (https://sinulog.ph/) na kapwa pinatatakbo ng Sinulog Foundation Inc.  Makikita ang kabilin na tinutukoy rito sa pagpapahalaga sa pananampalatayang Kristiyano-Katoliko, pagkakaugnay ng Santo Niño sa identidad ng mga Cebuano, at pagkahalu-halo ng mga katutubo at Kristiyano-Katolikong konsepto at gawi, na nakabuo ng pamanang isinasalin hanggang sa mga susunod pang henerasyon.  Nitong 2018, opisyal na nagsimula ang mga pagdiriwang sa Sinulog Enero 12 at nagtagal hanggang sa Enero 22.

Kabilin at Panublion:

Ilang paliwanag

Kung sisipatin ang unang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino (Almario 2001, 397), maikli lamang ang pakahulugan ng kabilin bilang “mana.”  Kung sasangguniin naman ang paggamit ng isang manunulat (Estenzo-Ramos 2017), umaakma sa ganoong konotasyon ang kabilin.  May iba’t ibang kahulugan ang “heritage,” at maaari itong materyal o hindi materyal; katumbas ito ng katagang Tagalog na “mana,” salitang Cebuano na “kabilin” at “erihensya” (na deribatibo ng Español na “herencia”), at katagang Hiligaynon na “panublion” (Estenzo-Ramos 2017).  Sumipi pa si Gloria Estenzo-Ramos (2017) ng isang depinisyong naglalagay ng legal na konteksto sa “heritage.”  Malaki umano ang papel ng mga landscape, gusali, at bagay sa pangangasiwa ng “heritage” sa praktikal na antas sapagkat kinikilala ang mga ito ng batas bilang “ari-arian” or “property” na maaaaring maisalin sa mga susunod na henerasyon (Estenzo-Ramos 2017).  Samantala, may mga kaugnay namang pagpapakahulugan ang isang online na diksyunaryo hinggil sa kabilin.  Ayon sa Binisaya.com (w.tn.), maitutumbas ang kabilin sa: (a) “heritage,” (b) “legacy,” at (c) “patrimony.” Kapansin-pansin ding ang kabilin ang siyang pamagat ng isang palatuntungang pangkasaysayan na tinaguyod noon ng administrasyon ng dating Gobernador ng Cebu na si Gwen Garcia (Sugboanong Kabilin 2012).  Itinampok sa palabas na hinost ng arkeologong si Jose Eleazar “Jobers” Bersales ang mga makasaysayan at mahalaga-sa-kalinangang pook o pangyayari sa nakaraan ng Cebu.

Kahawig ng kabilin ang konsepto ng panublion, na mula sa Kanlurang Bisayas.  Subalit tila wala pang malalimang pag-aaral na nagagawa tungkol sa kabilin at nangangailangan ito ng hiwalay na pag-usisa at pagtalakay.  Kaya para sa papel na ito, magiging lunsaran muna ang konsepto ng panublion na malalimang binigyang-paliwanag ni Vicente Villan (2017).   Masasabing may pagkakahawig ang mga dalumat ng kabilin at panublion.

Ayon kay Villan (2017), nangangahulugan ang dalumat ng panublion ng pag-ako ng obligasyon sa bahagi ng pinapasahang henerasyon (o sa kasong ito, ang manunubli) na ipagpatuloy ang nakagisnang tradisyon.  Ipinakita rin niya kung paano nag-iinterak ang ninuno sa manunubli (o ang papasahan-sa-kasalukuyan at hinaharap).  Aniya:

Nagsisilbi ring larangang tagpuan ng ka-loob-an sa pagitan ng nagkaloob (ninuno) at pinagkalooban (manunubli) ang lahat ng mga subli sa anumang uri o antas ng kaanyuan at katangian nito sa pinal na pagsusuri.  Ang kalooban ay hindi lamang luklukan hindi lamang ng sikolohiyang panlipunan ukol sa pakikipagkapwa… kung hindi sa lahat, naglalaman ang kaloobang iyon ng mga ninuno ng kanilang mga dungan na esensyal sa kanilang pagkatao (Villan 2017, 283).

Nauna namang nabanggit ang tatlong larangan ng panublion: “pagkabutang,” “surundon,” at “pamatasan.” Tinutukoy ng “pagkabutang” ang mga dalumat ng “kayamanan” at “pagmamay-ari.” Samantala, saklaw ng “surondon” ang “paniniwala” at “pananagutan.”  Panghuli, pasok sa “pamatasan” ang “halagahin” at “kaasalan” (Villan 2017, 280). Kung iuugnay ang mga katawagang Hiligaynon na iyon sa Sugbohanon, ang katumbas ng “pagkabutang” ay “kabtangan,” na ang ibig sabihin sa Cebuano ay “pag-aari” o “possessions, (and) property” (Wolff 1972, 179). Sa wikang Sugbohanon naman, maitutumbas ang “panulundun” sa “surundonon” ng Hiligaynon at ang ilang depinisyon dito ay “(something) which is inherited” at “a belief inherited from one’s ancestors” (Wolff 1972, 994-995). Habang sa “pamatasan” naman ang karaniwang pakahulugan sa Cebuano ay “behavior,” demeanor (Binisaya.com) at “proper behavior, the social conventions (Wolff 1972, 122); “ ang ugat na “batasan” ay may mga pakahulugan na “character,” “custom,” “disposition” “habit” (Binisaya.com).

Samantala, kinikala naman ni Erlinda Alburo (2015, 29) na bagama’t kailangang maipreserba ang “heritage,” dapat tanggapin ang mga inobasyong nakadaragdag sa nasabing “pamana.”  Inihalimbawa niya ang Sinulog at iba’t ibang istilo ng pagsayaw nito bagama’t kapansin-pansing hindi niya ginamit, kahit pahapyaw, ang terminong kabilin.  Sinabi ni Alburo (2015, 29) na naghahanap ang mga manonood ng interesanteng pagtatanghal kung kaya’t kailangang may inobasyong ilalahok sa mga pagtatanghal.  Hindi dapat ibalewala ang mga pagbabago kahit sa mga pagtatanghal ng mga nakaugaliang pagsayaw.

Hamon ang pagpapasa ng kabilin o panublion, hindi lamang sa mga indibidwal, pero sa maraming kabataan.  At bagama’t hindi kompleto, medyo tataliwas sa konsepto ng panublion ang masisipat, tentatibo man, sa pagsasalin ng Sinulog gamit ang cyberspacesocial media at websayt, habang hindi naman nawawala ang pinakabuod nito.

 Ang Santo Niño At Sinulog

Magkaugnay man ang Santo Niño at Sinulog, nagtataglay ang mga ito ng kani-kaniyang kasaysayan at naratibo.  Unang naipakilala ng mga Español ang benerasyon sa Santo Niño noong 1521.  Naitala ng Venetong si Antonio Pigafetta (1524, 155) ang mga pangyayaring iyon ng pagbinyag kay Humabon at sa asawa niyang mas kilala sa Kristiyano-Katolikong pangalang Juana (at sinasabing ang orihinal na pangalan niya’y Hara Amihan, na pinalaganap sa pagpapakilala sa Sinulog 2018).  Sinasabing nadala ng emosyon si Juana noong makita ang isang “napakagandang imaheng kahoy ng Batang Hesus” (Pigafetta 1524, 155) (akin ang malayang salin), kasama na ang imahen ng Birheng Marya at ang isang krus.  Matapos ang pagbibinyag kay Humabon, kay Juana, at iba pa (walong daan ang nagpabautismo, ayon kay Pigafetta), hiniling pa ni Juana na kunin na lang niya ang imahen ng Batang Hesus bilang pampalit sa kanyang mga anito (Pigafetta 1524, 155-156).

Pati ang “muling pagtuklas” sa imahen ng Santo Niño ay isasagunita naman ng isang kasaysayang lokal na sinulat ng nobelista at pabliser na si Vicente Rama (2003).  Sa isang artikulong pinamagatang “Senyor Santo Niño sa Sugbo,” inilarawan ni Rama (2003, 320) ang salaysay ng muling pagkakita ni Juan de Camus (na inilarawan bilang sundalong mulang “Bizkaya” o Vizcaya) sa imahen ng Batang Hesus sa isang bahay matapos masakop ng mga Español ang Sugbo. Nangyari ang “pagkatuklas” noong Abril 28, 1565, isang Sabado matapos matagpuan ang imahen ng Santo Niño.  Ipinakita ito ni Camus sa kanyang nakatataas, kasama si Miguel Lopez de Legazpi.  Iniutos naman ng huli na simula sa araw na iyon, idadambana at ipagdiriwang ang imahen sa tuwing Abril 28 (Rama 2003, 321). Sinasabi ring nakikialam ang Santo Niño upang tumigil ang ilang kalamidad na tumama sa Cebu noong dantaon 17, gaya ng mga sunog at tagtuyot (Rama 2003, 322-323).  Isang halimbawa ng kalamidad na inibsan ng Santo Niño ang tagtuyot (“dakung huaw”) ng 1618.  Sa tindi umano ng tagtuyot, namatay ang mga tanim na mais at palay at natuyo naman ang mga bukal (Rama 2003, 322).  Nagdusa rin ang mga tao at hayop dahil dito (Rama 2003, 322).

At ano ang ginawa ng mga Sugbuhanon dito?  Kanilang kinuha ang larawan ng Santo Niño, ipinrusisyon sa mga kalsada hanggang sa makarating sa Katedral, kung saan idinaos ang isang misa “at iba pang mga seremonyas” (Rama 2003, 322).   Noong ipapasok na ang imahen, biglang dumilim ang kalangitan at bumagsak ang malakas na ulan, na siyang nakalunas sa paghihirap ng mga Sugbohanon noong mga panahong iyon.

Kinikilala naman ng isang manunulat, at ngayo’y sinasabi ring historyador, na si Nick Joaquin (2004) ang kahalagahan ng ikonograpiya ng Santo Niño sa kasaysayan at kamalayan ng mga Pilipino.  Sa kanyang sanaysay na “The Culture Hero: The Santo Niño of Cebu,” naipahayag ni Joaquin (2004, 103) na ang buwan ng Enero’y buwan ng magkakasunod na kapistahan para sa Batang Hesus.  At magkakaiba ang mga ito, mula sa mala-carnival ng Ati-Atihan hanggang sa pagodang pagsasaya, gaya ng kapistahang idinaraos sa Tondo (Joaquin 2004, 103.)  Kanya ring napansing kapwa may kinalaman sa tubig o katubigan ang mga naturang kapistahan, na “reliko ng panahong ang ating Santo Niño ang siyang panginoon sa mga dagat sa katimugan” (Joaquin 2004, 104) (akin ang malayang salin).  Idiniin pa ng may-akda, na kilala sa marubdob na pagsampalataya sa Katolisismo, patunay ang kapistahan para kay Santo Niño na hindi kailangang purista ang asta ng pananalig ng mga tao sa Kristiyano-Katolikong Panginoon.  Ngunit para kay Resil Mojares (2017a, 85), may pagdadalawang-loob o “ambivalence” ang pagtanaw mula sa loob ng Kristiyano-Katolikong tradisyon tungo sa mga gawaing di-Kristiyano, kaparis ng Sinulog.  Mababatid pa nga ang “ambivalence” na ito sa kawalan ng tuwirang pagbanggit sa mga pasulat na teksto hanggang dantaon 19, at nito lamang nagdaang siglo nababanggit ang pangalang Sinulog, sa kabila ng kabatirang nasulat na ni Pigafetta ang gawaing ito ng mga Cebuano (Mojares 2017a, 85).  Heto pa ang hinuha ni Mojares:

It is perplexing, however, that we do not have a clear reference to the Sinulog dance in the first three centuries of the Santo Niño devotion in Cebu.  My own guess is that dance has always been a part of the devotion, though the form it took and the place it had in the church celebration may have varied through time (Mojares 2017a, 87).

Samantala, sinasabing matagal nang sinasayaw ng mga Cebuano ang Sinulog, kahit bago pa ipakilala ang pagdambana at paggalang sa Batang Hesus. At isa itong detalyeng babanggitin sa mga social media post na nagpapaalala sa paparating na Sinulog nitong 2018.  Kaya naman ngayon, hindi maihihiwalay ang pagdiriwang ng Sinulog sa mataimtim na paggalang ng mga Cebuano sa Señor Santo Niño.

 

Ngunit ang kapansin-pansin sa Cebu, hindi lamang sa Santo Niño nagbibigay ng debosyon ang mga Cebuano.  Pagpapaliwanag pa ni Mojares (2017a, 82), tinutungo rin ng mga Cebuano noong panahon ng Español ang Birhen sa Guadalupe, San Juan de Bautista sa Parian, Virgen sa Regla sa Opon (Lapu Lapu City), parokya ng San Nicolas sa dating pueblo na may ganoong pangalan, at San Jose sa Mandaue. Kapansin-pansing matatagpuan ang lahat ng mga ito sa mainland ng tinatawag ngayong Metropolitan Cebu, at tanging ang Virgen sa Regla lamang ang nahihiwalay gawa ng pagkakapook nito sa isla ng Mactan). Aniya, mistulang wala namang lantarang tunggalian noong panahon ng Español sa pagitan ng Santo Niño at debosyon sa San Nicolas at Virgen dela Regla, samantalang may ilang detalyeng nagsasabing naging banta sa pananaig ng Santo Niño ang debosyon sa San Juan Bautista sa Parian, hanggang sa sinupil ang parokya rito noong 1879 (Mojares 2017a, 82).  Sa liwanag ng mga pangyayaring ito, masasabing bunga ang paglaganap ng debosyon sa Santo Niño noong dantaon 19 ng pagkalat sa ibang pook ng mga balita tungkol sa imahen habang napagtitibay na rin ang Cebu bilang sentro ng pamahalaang rehiyonal sa Kabisayaan (Mojares 2017a, 83).  Sinasabing dekada 1840 pa lamang, ayon sa kay Jean Mallat, isang Pranses na manlalakbay, sentro na ng mga peregrinasyon ang Santo Niño ng mga tao kahit “sa malalayong bahagi ng kapuluan at sa nasabing santo inilalagak ng mga tao ang kanilang pagtitiwala” (Mojares 2017, 83) (akin ang malayang salin). Higit namang papaksain ang dalumat ng Santo Niño sa kasaysayan ng Cebu sa mas mahabang talakay tungkol sa debosyon sa isa pang akda niya na umabot naman sa mas kontemporanyong mga dekada (Mojares 2017 b).  Para naman kay Bautista (2010, 2-3), isang halimbawa ang Santo Niño ng itinuturing niyang “figuring Catholicism,” katawagang malapit sa mga larangan ng antropolohiya at kasaysayan.  Mayroong dalawang aspeto ang Santo Niño bilang ehemplo ng “figuring Catholicism:” bilang isang istatwang sentro ng diskursong etnograpikal na nagtataglay ng mga katangiang Pilipino sa debosyon. Bahagi naman ng ikalawang aspeto-yaong pagiging suheto ng diskursong pangrelihiyon- ang pakikilahok ng Santo Niño sa mga kritikal na pangyayari sa kasaysayan, lalo na ng mga Cebuano (Bautista 2010, 2). Paalala pa ni Bautista (2010, 4-5), mapanganib hakahing may iisang pagpapakahulugan para sa Santo Niño o may isang grupo lamang ang may mas lehitimong pagpapakahulugan dito.

Samantala, nabanggit naman ng manunulat at cultural historian na si Erlinda Alburo (2015, 29), na nakaigpaw sa mga hangganang geograpikal ang Sinulog sapagkat dinadagsa ito ng mga contingent mula sa Mindanao gaya ng lunsod ng Tangub sa Misamis Occidental.  Sinasabing kahit ang debosyon ng Santo Niño ay umaabot na rin sa ibayong-dagat, kung saan marami na ring Cebuano at ibang Pilipino ang dumayo (Alburo 2015, 29).  Interesante naman ang paglahad niyang may mga kalahok na T’boli na sumali sa dalawang pagkakataon sa dance parade noong dekada 1990.  Naikuwento ng nasabing grupo na may pangalang Bonok-Bonok Maradjao Karadjao na ayon sa kanilang alamat, dumayo ang ilan sa kanila sa Cebu para maghanap ng tubig na makagagamot sa isa nilang maysakit na prinsesa. Upang matighaw ang kanilang uhaw dulot ng isang tagtuyot, pagkarating nila sa Cebu, sinalubong sila ng kanilang mga kapatid na Kristiyano at ang iba sa mga T’boli ay nagpabinyag sa pananampalatayang Kristiyano-Katoliko (Alburo 2015, 29).  Pasasalamat naman din ang naging layon ng isang grupo mula Dumaguete matapos silang tulungan ng mga taga-Cebu sa aftermath ng pagtama sa kanila ng bagyong “Sendong” (Alburo 2015, 29).

Kahit sa ilang akdang relihiyoso, masasambit din ang pangalan ng Batang Hesus.  Sa isang gozos o patulang panalangin, na inilimbag noong 1888, hinihingan ng awa (looy) ang Batang Hesus sa mga panahon ng pisikal at emosyonal na pangangailangan ng persona (WA 1888b, 69-75).  Kung anuman ang mga iyon, hindi na niya iniisa-isa pa.  Interesante ring may pagsasalaysay ang gozos kung paano ito muling nakita ng isang sundalong Español (si Camus batay sa kasaysayang sinulat ni Vicente Rama) upang pag-alayan ng mataas na paggalang at benerasyon ni Legaspi at ng mga Cebuano mismo.  May pagbanggit din sa tubig—na ang Santo Niño ang nagdala ng ulan doon matapos dalhin sa karagatan ang isang imahen niya.  Babanggitin sa ibaba ang mga pinakaakmang saknong tungkol sa dalumat ng Santo Niño sa mga Cebuano:

Ang imong catahuman

sa among calag calipayan

sa among saquit ingon tambal

ug sa among cahangul manggad

sa ngatanan quinahanglan

icao ang among dalampanan.

 

Canamo malooy ca unta, etc.

 

icao lamang ang ampoon

sa mga daang Sugbuhanon

nga canimo nanagbaton

con nay quinahanglanon,

busa guinganlan ca nila

alampoon balahala.

 

Canamo malooy ca unta, etc. (WA 1888b, 72).

Sa salin ng makatang si Don Pagusara:

 

Ang iyong kariktan

sa aming kaluluwa’y ligaya

sa aming dalamhati’y gamot

sa aming kasakima’y manggad

sa lahat ng aming pangangailangan

ikaw ang aming dulugan.

 

Sa amin maawa ka sana.

 

Ikaw lang ang pagdadasalan

ng sinaunang mga Sugbohanon

ng sa iyo’y nagtataglay

lalo’t kung may kailangan,

kaya’t kailangan ka nilang

pagdasalang Bathala.

 

Sa amin maawa ka sana (WA 1888b, 73).

 

Tumutugma ang mga detalye at ang petsa ng pagkalimbag, sa obserbasyon ni Mojares tungkol sa paglaganap noong dantaon 19 ng benerasyon sa Santo Niño.  Tumutugma rin ang motif ng tubig at ang pagsasanib ng anitoismo at Katolisismo na siyang binanggit naman ni Joaquin sa kanyang sanaysay.

Ngunit noong dekada 1980 lamang magiging institusyunalisado ang Sinulog bilang isang pista.  Ayon sa mga naratibo na kapwa nakalagay sa Facebook at websayt ng Sinulog Foundation, nangyari ito noong dekada 1980.  Sa pagtaguyod ng Regional Director noon ng Ministry of Sports and Youth Development na si David Odilao Jr, naorganisa ang kauna-unang parada ng Sinulog.  Kanyang hiningan ng tulong ang mga guro ng physical education para pag-usapan ito samantalang isang babae mulang Mabolo (si Nang Titang Diola) ang siyang nagpakita kung paano isayaw ang Sinulog.  Idinetalye pa paano pinalahok ang mga pangunahing paaralan sa Cebu para sa street dance parade:

With seven schools and universities, the physical education teachers spearheaded the first Sinulog Street Dance Parade.  With financial support from then MYSD Regional Director David Odilao and Department of Education Culture and Sports, the schools were given an era to represent the history of Cebu from the primitive times to the present.  Member schools of the Cebu Physical Education Association[—]the University of San Carlos, Southwestern University, University of San Jose-Recoletos, University of Cebu, University of Southern Philippines, Cebu Institute of Technology, and Cebu Doctor’s University [participated].  The street dance parade started from the Plaza Independencia and caught the imagination of the City of Cebu, which then thought of making the Sinulog a festival that would rival other festivals being held yearly in the country (Sinulog Foundation Inc. 2011d).

Kapansin-pansin naman ang mga di-magandang epekto ng pag-institusyonalisa sa Sinulog at ng isa pang pagdiriwang, ang Masskara Festival sa Bacolod.  Ang una (gaya ng Ati-Atihan) ay dahil nalulunod sa “kulay sekular, pulitikal, at komersyal”, samantalang sinasabing ang Masskara Festival at ang ilan pang bagong sinimulang kapistahang ay walang tunay na ugat o basehan (Villaruz 2006, 3).  Puna pa ni Villaruz, na isang judge sa mga pagdaraos ng sinulog, ang Sinulog sa Cebu ay labis na ring nahaluan ng mga konsepto mula sa Mindanao gawa ng paglahok dito ng mga grupo mula sa nasabing isla.  Nasabi niya tuloy na nagmukhang “ethnic Mindanao festivity” ito.  Sa liwanag ng ganitong suliranin, papasok ang papel ng estado sa pangangalaga at pagtangkilik ng pamana, heritage, kabilin o panublion, partikular ang pagbalanse sa paglangkap ng mga bagong konsepto samantalang pinananatili ang katutubong buod nito. Ang aspektong ito ng pamana, heritage, kabilin o panublion ay nangangailangan ng hiwalay na pagtalakay.

Dapat ding banggitin ang epekto ng pagbabago sa sayaw sa kabuuang diwa ng kapistahan. Sinuri naman ang ilang aspeto nito ng mga mananaliksik mula Cebu Normal University gamit ang Teorya ng Transisyong Kultural. Anila, ang tradisyonal na sayaw-Sinug, na masasabing katutubong ugat ng Sinulog, ay halos mawala na kung hindi lamang binuhay ito sa tulong ng ilang eksternal na salik (Ortiz Relampagos Pejana Siarot Tolo Melchor at Inocian, 2017, 1). Dagdag pa ng mga mananaliksik, bagamat nabuhay sa anyong Sinulog ang Sinug, nangahulugan naman ang pagkawala ng taal na koreyograpiyang Sugbohanon nito, sang-ayon sa teorya ng pagbabagong-progresista, para makaagapay ang Sinulog sa paghatak pa ng mas maraming turista. Ano-ano ang mga nawalang aspeto ng Sinug? Kabilang dito ang ritwal-dasal na Alabasyon, ang tatlong sayaw ng Sinug, at ang dating mga kasuotan sa Sinug na nagpapakita sa mga labanan noon sa pagitan ng mga Katoliko at Moro (Ortiz Relampagos Pejana Siarot Tolo Melchor at Inocian, 2017, 302). Mayroon daw pitong hakbang ang lumang Sinug (batay sa napanatili ng kilalang mananayaw na si Nang Titang Diola): Llamada, Repaso, Kinaraan nga Sayaw, Kinampilan, Pakli, Espada-espada, at Balituk (Ortiz Relampagos Pejana Siarot Tolo Melchor at Inocian,, 2017, 300).  Ayon sa mga mananaliksik, mauugat ang “modernong” Sinulog nang malipat ang isang pari mula Aklan na nadestino naman sa bayan ng Carmen, Cebu; pinakilala niya doon ang pintig ng Ati-atihan sa tradisyonal na Sinug, hanggang sa tuluyan nang mapalitan ang lumang mga hakbang ng Sinug (Ortiz Relampagos Pejana Siarot Tolo Melchor at Inocian, 2017, 302).

 

PagpapaLaganap ng Kabilin sa Cyberspace:

Ang Sinulog Foundation INC. Facebook page

Sa panahon ng social media, kapansin-pansing mas maraming paraan ang naihahatag upang mapalaganap ang mga kaisipan. Kasama na sa mga naipapakalat ang pagpapatuloy sa mga tradisyonal nang kapistahan gaya ng Sinulog. Simula 2011, may pinatatakbong Facebook page ang Sinulog Foundation Inc. (2011a).  Itinatampok sa pahina ang mga post na patungkol sa kasaysayan ng selebrasyon, ilang trivia tungkol sa nasabing tradisyon, pati na ang iskejul ng mga event para sa taun-taong pagdiriwang nito. Naikaklasipika naman ito bilang Non-Governmental Organization Community. Paano naman naisasagawa ang pagpapahalaga at pagsasalin ng kabilin sa nasabing Facebook page?  Una sa lahat, ipinaliliwanag ang kasaysayan ng Sinulog at marubdob na debosyon ng maraming Cebuano sa Santo Niño gamit ang mga post, note, video, at imahen.  Ganito ang inilahad na pagsasalarawan ng Sinulog sa Facebook page ng Sinulog Foundation Inc.:

The Sinulog festival is one of the grandest and most colorful festivals in the Philippines with a very rich history.  The main festival is held each year on the third Sunday of January in Cebu City to honor the Santo Niño, or the child Jesus, who used to be the patron saint of the whole province of Cebu (since in the Catholic faith Jesus is not a saint, but God).  It is essentially a dance ritual which remembers the Filipino people’s pagan past and their acceptance of Christianity (Sinulog Foundation Inc. 2017a).

Batay sa pambungad na deskripsyong ito, kapansin-pansing may pagkilala na sa mga Kristiyano-Katoliko at katutubong konsepto sa Sinulog. Bagama’t mababatid na mas matimbang ang apropriasyon sa diwa ng Katolisismo gawa ng pagbanggit sa paniniwalang Diyos si HesuKristo (o mas akmang sabihing isa sa mga persona ng Diyos si HesuKristo).

Ganito pa ang inilahad na pagsasalarawan ng Sinulog sa Facebook page ng Sinulog Foundation Inc. sa note na “About Sinulog Festival”:

The Sinulog festival is one of the grandest and most colorful festivals in the Philippines with a very rich history.  The main festival is held each year on the third Sunday of January in Cebu City to honor the Santo Niño, or the child Jesus, who used to be the patron saint of the whole province of Cebu (since in the Catholic faith Jesus is not a saint, but God).  It is essentially a dance ritual which remembers the Filipino people’s pagan past and their acceptance of Christianity (Sinulog Foundation Inc. 2011a).

Kung sisipatin mula sa pananaw ng kabilin o panublion, di lamang sa siyudad ng Cebu idinaraos ang pagdiriwang, kundi pati na sa ibang bahagi ng lalawigan.  Malawak ang saklaw geograpikal ng mga maaaring tumanggap o ihabilin ng naturang kabilin.  At may ispesyal na patimpalak para sa kabataang Cebuano na idinaraos isang linggo bago ang highlight ng kapistahan, ang Grand Parade (Sinulog.ph w.tn.c).

Ngunit isinaad mismo ng Facebook page ng Sinulog Foundation Inc. na nahaluan ng komersyo ang kapistahan (Sinulog Foundation Inc. 2017a).  Halimbawa na lamang, mayroong small and medium enterprise (SME) trade fair na nagtatampok ng mga produktong panluwas ng Cebu.  Komersyalisado ang Sinulog dahil na rin sa paglahok ng mga grupo mula sa iba pang lugar.  Masasabing pagkilala ito na kaakibat ng pagiging atraksyon sa mga turista ng kapistahan, nagiging sentro ang Cebu ng kalakal at komersyo.  Bukod pa rito, itinatampok din sa seksyong “About” ng Facebook page ng Sinulog Foundation Inc. (2011a) ang mga natanggap nang pagkilala ng Sinulog.  Kabilang dito ang ilang rekognisyon mula sa mga websayt (hal. Vamshare.com) at mga institusyon kaparis ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, Cebu Archdiocese Mass Media Awards, at Aliwan Festival.

Mayroon ding mga note o tala ang Facebook page ng Sinulog Foundation Inc. upang ipaliwanag ang kasaysayan ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas, etimolohiya ng Sinulog, at batayang pagsasalarawan ng Kapistahan.  Mas pagtutuunan ng pansin ng mag-aaral ang unang dalawang nabanggit na note.  Pawang tungkol sa mga nagdaang Sinulog ang ibang note at hindi na babanggitin pa ang mga ito sa papel na ito. Ang unang note na may pamagat na “About Sinulog Festival” (Sinulog Foundation Inc. 2011b) ay patungkol sa isang maikling introduksyon sa kapistahan.  Natalakay na sa ibang bahagi ng papel ang mga pangunahing puntos nito at hindi na papaliwanag pa dito.

Samantala, sa ikalawang note na “Cradle of Christianity and History” (Sinulog Foundation Inc. 2011b), tinalakay naman kung paano naging sentro o “duyan” ang Cebu ng Kristiyanismo at kasaysayan.  Binanggit sa nasabing note kung paano inilagay ang Santo Niño, sa loob ng estrakturang magiging Basilica Minore at ng simbahan ng San Nicolas de Tolentino (Sinulog Foundation Inc. 2011c). Nagbigay rin ito ng ibang paliwanag kung saan nanggaling ang pangalan ng Sinulog, na sinasabing ang pakahulugan nito’y “kaaya-ayang sayaw.” Binabanggit din dito ang mga simbahang Kristiyano-Katolikong matatagpuan sa Cebu City, bukod pa sa mga pook-sambahan ng iba pang relihiyon (Sinulog Foundation Inc. 2011b).

Sa ikatlong note na “History of the Sinulog Festival” (Sinulog Foundation Inc. 2011c), na naipaskil noon pang Agosto 28, 2011, agad inihayag na nagmula ang pangalan ng Sinulog sa pagkakahalintulad ng mga paggalaw sa pagdaloy (“sulog”) ng ilog Pahina sa Cebu.  Bilang pandagdag sa naunang nabanggit nang kasaysayan ni Rama (2003, 317-323) inihayag din sa naturang note na sa mahigit apat na dekada mula sa pagkarating ni Fernando Magallanes at pagdaong naman ni Legaspi, sinasayaw pa rin ng mga Cebuano ang Sinulog, hindi na para sa mga katutubong poon pero sa halip, para sa Santo Niño (Sinulog Foundation Inc. 2011d).  Isinaad pa, matapos ang 1521, kadalasang sa harap ng mga imahen isinasayaw ang Sinulog at noong maitayo na ang simbahan ng Santo Niño (Basilica Minore ngayon), tanging mga nagbebenta ng mga kandila ang makikitang sumasayaw ng Sinulog. Pagsapit ng ikatlong linggo ng Enero, sasayaw naman ang kabataang nakasuot ng mga damit na pang-moro-moro.  Isinalaysay rin ang kasaysayan sa pagbuo ng eskudo o coat of arms ng Santo Niño.  Ayon pa sa note:

 

This was the coat of arms of the Santo Niño, which is quite visible as they are being embossed in the benches, architecture, and banners of the old San Agustin Church.  The coat of arms of the Santo Niño bears a two-headed hawk, the mark of the House of Hapsburg (Hamburg) in Europe which then ruled most of the known world from the 15th century to 20th century.  Spain was under the Hapsburg dynasty when it sent the expeditions out across the globe to spread the Faith and expand the influence of the dynastic house to be unknown lands beyond the oceans (Sinulog Foundation Inc. 2011c).

 

Subalit hinaluan din ito ng mga katutubong tema dahil nakatatak sa kalasag ng isang Cebuano ang eskudong Hapsburg.  Sinisimbulo ng pananggalang iyon ang “patuloy na paglaban ng bansa sa kolonisasyon” bukod pa sa “kahandaan ng Pilipino na ipagtanggol ang Pilipinas mula sa lahat ng anyo ng panghihimasok ng mga dayuhan at kabakahin ang anumang hakbang na maglalagay sa panganib ng kakahayan ng Pilipinas na makapagpasya para sa sarili” (Sinulog Foundation Inc. 2011c) (akin ang malayang salin).  Sa nasabing talakay, unang nakakita ang pagpasok ng mga makabayang tema.  Bukod sa pagiging dangal ng Pilipinas, hindi naman kadalasang naiuugnay ang Sinulog sa mga makabayan o nasyonalistang usapin.  Gayumpaman, maaaring masabing bilang bahagi ng dinamismo, patuloy pa ring nalalangkapan ng mga panibagong pagbasa o interpretasyon sa kapistahan. Tinalakay pa sa post ang mga pangyayari sa likod ng unang paradang Sinulog na nangyari noong 1981 at paano nagdagdag ng mga kategorya ang mga organisador sa mga sumunod pang pagdaraos ng Sinulog (Sinulog Foundation Inc. 2011c).

 

Bukod sa mga naturang teksto, idinaan din sa video ang pagpapalaganap ng mga detalye tungkol sa Sinulog.  Maihahalimbawa rito ang teaser at video para sa Sinulog 2017 (Sinulog Foundation Inc. 2017e). May tagal lamang na 1:38 na minuto ang video na may 26,000 view, 840 reaction, 472 share, at 29 comment (noong Marso 30, 2018).  Inilalahad sa unang bahagi ng mga organisador ng kapistahan ang mahahalagang aspekto ng kapistahan.  Halimbawa, tinatalakay ang aspektong relihiyoso ng Sinulog na nagpapakita ng pagkarelihiyoso ng mga Cebuano, bagama’t mayroong ding aspektong historikal at pati bilang okasyon para sa pagsasaya.  Susundan naman ito ng ilang larawan ng ilang motif ng Sinulog (isang bahagi ng Basilica Minore, tubig sa dagat, bahagi ng pulang damit na isinuot sa imahen ng Santo Nino). Pagkaraan, isinusuma ang pagbebenta sa Sinulog sa ilang linya: “A Celebration of Culture,” “Strengthening Religion,” “Remembering Cebu’s Rich History.”  Sa huling 1/3 ng video, ipinapakita ang ebolusyon ng mga poster ng Sinulog mula 1982 hanggang sa dekada 2010, na tila pagsasabi ng institusyonalisadong pagpapatuloy ng kapistahan.  Isa rin itong malinaw na pagpapaalala sa Sinulog bilang kabilin na marapat lamang pangalagaan ng mga deboto, lalo na ng mga Cebuano, gawa ng pagdiin nito sa mahahalagang sangkap sa kanilang pagkakakilanlan, pananampalatayang Kristiyano-Katoliko, kalinangan, kasaysayan.

 

Sa mga larawan, pangunahing itinampok ang ilang trivia tungkol sa Sinulog. Itinampok ang etimolohiya ng Sinulog sa imaheng may 154 reaction at 130 share (noong Marso 30, 2018) (Sinulog Foundation Inc. 2017c) (tingnan ang Larawan 1).  Nabanggit sa itaas ang pagpapaliwanag sa isang post ang etimolohiya nito, na mayroong kaugnayan naman sa pagwawangis sa pag-agos ng ilog Pahina.  At maiuugnay rito ang pagpansin ni Joaquin (2004, 103-104) sa tubig bilang motif sa kapistahang may kinalaman sa Santo Niño.  Kung iuugnay sa kabuuan ng kabihasnang Pilipino, namamayani ang tubig bilang motif sa kapistahan. Makikita ito sa kapistahan ng La Naval, na ang pinag-ugatan ay ang pagtagumpay ng mga Español sa ilang labanang pandagat noong dekada 1640.  Makikita ito sa kapistahan ng Karakol sa Tanza, Cavite.  Makikita rin ito sa tanyag na kapistahan ng San Juan de Bautista sa Lunsod San Juan; kilala rito ang gawaing pagsasaboy ng tubig sa mga dumaraan tuwing Hunyo 24. At makikita rin kahit sa naging salaysay ni Rama (2003, 317-233) ang motif ng tubig sa paggunita, pagdalangin kay Santo Niño—hindi ba siya ang kinikilalangang nagtapos ng isang malalang tagtuyot noong 1618?

Kung sisipatin ito gamit ang mga konsepto ng kabilin at panublion, makikitang ang Sinulog ay pamanang ipinapasa mula pa sa panahong sinauna hanggang sa kasalukuyan, at inaasahang maisasalin pa ito sa mga darating pang henerasyon. At naisagawa ito sa pamamamagitan ng pagdukal sa etimolohiya ng salitang Sinulog at pag-ugnay ito sa karaniwang mga penomenong pangkalikasan. Sa ganang akin, mahalaga ang dalawang hakbang sapagkat tila di na masyadong maaalala ang salitang-ugat ng Sinulog at lalong di na rin mahihinuha kaagad ang aspetong pangkalikasan ng kapistahan gawa ng urbanisado nang pook sa Cebu City.

Itinatampok din ng larawan ang tradisyon ng mga Cebuano na isayaw ang Sinulog bago pa man dumating ang mga Español (Sinulog Foundation Inc. 2017f) (tingnan ang Larawan 2). Idinidiin din ng retrato ang katutubong ugat ng Sinulog. Pinakikita rin ang pagpapatuloy mula sa panahong anitoismo, ang uri ng pananampalataya ng mga Cebuano hanggang sa nahaluan ito ng mga konseptong Kristiyano-Katoliko. Maaaring makapukaw ito ng interes sa mga tao na may hilig sa pag-aaral ng kalinangan ng mga Pilipino na di naanggihan o nalupig ng mga apropriasyong Kanluranin.

Gayumpaman, hindi kumpleto ang nasabing post dahil nga estilong trivia ang paraan.  Hindi isinaad kung kailan talaga nagsimula ang pagsasayaw ng Sinulog, bagamat mahirap maturol ito dahil sa kakulangan ng mga patunay sa malinaw na pinagmulan ng Sinulog.  Kailangan din ng hiwalay na pag-aaral, na gagamit ng lapit at pamamaraan gaya ng Antropolohiya, para higit na maaninaw ang katutubong bahagi ng Sinulog.

Sa kabilang banda, mainam namang nasabi ito sa isang Facebook post gaya ng nasa itaas. Bukod sa pagpapatatag sa Sinulog bilang kapistahang may mahabang tradisyon at nakaraan, maaari ring sabihing makakatulong ito sa pagpapaalala sa mga Pilipinong may mga katutubo tayong gawi na hanggang ngayo’y ginagawa, bagama’t hindi lamang tayo ganoong kamalay o kamulat.

Ngayon, paano tumugon ang mga netizen sa nasabing post tungkol sa sinaunang ugat ng Sinulog?  Nakakuha ito ng 220 reaction at 20 share (noong Marso 30, 2018).  Sa limang comment, mapapansing ang apat ay pawang pagtag o maikling pagsang-ayon lamang sa sinabi (“True”). Ngunit interesante ang sinabi ni Emmanuel Mongaya, na tumugon din sa nasabing post:

The Sinulog today is a prayer-dance that fused our native way of praying with that of the Christian faith.  In a way, this prayer-dance to the Holy Child is both local and global that we embraced as our own for nearly 5 centuries (Sinulog Foundation Inc. 2017f).

Malaman ang komentaryo sapagkat pagkilala rin ito sa kabilin na nabuo ng interaksyon o paghuhugpong ng mga sinauna at Kristiyano-Katolikong pamamaraan.  At magandang komentaryo ito sapagkat lumalayo sa tinawag minsan ni Mojares (2017, 85) na “ambivalence ng ilan sa katayuan ng katutubo sa Kristiyano-Katoliko sa Sinulog.  At mula sa paghuhugpong na ito, nagkaroon ng isang namumukod-tanging kapistahang ikinararangal ng mga Cebuano at ng mga Pilipino.

May pagpapakita rin ng pagkilala sa Kristiyano-Katolikong aspekto ng Sinulog (Sinulog Foundation Inc. 2017b) (tingnan ang Larawan 3).  Sa imaheng may 100 reaction at 11 share (noong Marso 30, 2018), ipinakikita ang tanyag na kakayahan ng mga Pilipino na makiangkop at patuloy na nakikiangkop, sa mga pangyayari sa kanilang paligid.  Gayumpaman, hindi lubusan ang pakikiangkop na iyan para sa Sinulog. Ginagawa ito gamit ang mga nakagisnang gawi habang tumatalima naman sa ipinaiiral na kaayusan ng mga Español. Bagama’t hindi na ang mga diwata ang pinag-aalayaan ang pagsayaw ng Sinulog noong panahon ng Español, ginamit pa rin ng mga Cebuano ang nakagisnang sayaw para naman sa bago nilang pinopoon.

Pati mga salaysay ay hinikayat ding makuha mula sa mga netizen (Sinulog Foundation Inc. 2017d) (tingnan ang Larawan 4).  Kaiba sa mga naunang post, mula sa mga tao na ang paglalahad ng mga naratibo.  Subalit, pagsusuhay pa rin ito sa Sinulog bilang kabilin o panublion sapagkat durungawan ang mga naratibong ito kung paano nakaapekto sa mga nakikilahok ang Sinulog.  Masasabing pagsasabay ito sa kalakaran ng panahon ng social media na higit nang may paglalahok ang mga tao sa pagsasabi ng kanilang naratibo.  Masasabing pagsuhay ito sa matagal nang paglalahok ng mga deboto sa Sinulog.  Mayroon itong 172 reaction, 10 share, at 19 comment” (noong Marso 30, 2018).  Narito ang ilan sa naratibo mula sa mga nagkomentaryo.

Para kay Roy Fernandez (Sinulog Foundation Inc. 2017d), isang karanasang ispiritwal, pisikal, at kultural ang pakikilahok sa Sinulog.  Ispiritwal, dahil kapistahan ito ng Batang Hesus; pisikal, dahil nangangailangang gumising ng maaga at maglakad mula sa hotel patungo sa Basilica bago magsimula ang Grand Parade; at kultural, dahil sa “napakagandang mga dancing contingents.”

Ayon naman sa nagpakilalang Echo Lima, hindi niya makakalimutan ang Sinulog dahil ilang beses siyang sumali rito.  Aniya:

I am a Cebuano and I dance Sinulog… back in 1993 the venue was still in old White Gold Store.  [M]y very first and unforgettable moment [w]as [when I was] one of the SWU [Southwestern University] dancers.  We [were] declared Champion(s)… I also joined the succeeding years.  1994—4th placer…  Venue was in Ayala Park.  1995—Champion—still in Ayala P(ark) and 1997—Champion again and the Venue was held in Abellana (Sinulog Foundation Inc. 2017d).

Sinipi pa niya ang isang naging dating mentor upang ipakita paano sila hinikayat na sumayaw sa Sinulog hindi dahil kailangang makipagtunggali, kundi isa itong anyo ng pagdasal.  Ani Echo Lima:

He always said to us and bear in our mind that, dancing Sinulog is a Prayer, an offering to the Holy Child… it’s not for competition… in every [movement] of our body, hands and foot there’s a certain or corresponding meaning…  That’s [how] we the SWU dancers… dance very gracefully at that time… because we dance by praying, an offering and [true] by hearts.  Viva Pit Senyor! (Sinulog Foundation Inc. 2017d).

Para naman kay JO JAI (Sinulog Foundation Inc. 2017d), napakaganda ng bawat pagdaraos ng Sinulog na kanyang napuntahan.  Kung makakapunta ulit siya sa Cebu para sa Sinulog sa Enero 2018, gagawin na niya iyon. Bagama’t may tsansang hindi niya mapupuntahan ang Cebu, nararamdaman pa rin niya ang presensya ng Batang Hesus sa kanyang buhay.

Inilahad naman ni Enna Cadiz (Sinulog Foundation Inc. 2017d) na sa rubdob ng kanilang pagmamahal sa Sinulog, isinasagawa pa nila ito sa Stavanger, Norway.  Lamang, di na naidetalye pa paano ito isinagawa at kung napukaw ang atensyon ng mga kapit-bahay niyang Norwegian at iba pang mga lahi doon.

Personal naman ang naging naratibo ng ibang nagkomentaryo (Sinulog Foundation Inc. 2017d), pero lahat sila, kinikilala ang pagsali o panonood nila sa Sinulog sa magagandang pangyayaring kanilang naranasan o nararanasan.

Batay sa mga naratibong ito, makikitang tunay ngang di lamang kapistahang institusyonalisado at komersyalisado ang Sinulog.  Napanatili nito ang mga orihinal na diwa na pagpapakita ng malalim na pagmamahal sa Santo Niño, pagmamalaki sa kalinangang Cebuano, at pagsasabuhay ng mahahalagang turo ng Katolisismo.

Subalit mayroon ding mga pagpuna ang inilagay bilang tugon sa nasabing post.  Ayon sa ilang nagkomentaryo (Sinulog Foundation Inc. 2017d), hindi sila natutuwa sa mga artista at float na lumahok, pati sa malalang trapik na naidulot ng parada. Partikular na nagkomentaryo ang isang netizen, noong 2016 ay nanood lang siya ng fireworks display sa SM Cebu, ngunit nakarating siya sa tinutuluyan matapos ang dalawa hanggang tatlong oras na trapik (Sinulog Foundation Inc. 2017d).

Itinampok din ang pagbibigay ng Portugues (na lumayag para sa España) na si Magallanes ng imahen ng Santo Niño kina Rajah Humabon at Hara Amihan (Sinulog Foundation Inc. 2017g) (tingnan ang Larawan 5).  Nakatanggap ang post na ito ng 178 reaction, 11 share, at 1 comment (noong Marso 30, 2018).  Ang naturang trivia ay masasabing pagpapakita ng positibong interaksyon ng mga Español at katutubong Pilipino, partikular na ng mga Cebuano. Maikli rin itong eksena kung paano ipikakilala ng mga Español ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng mga naghaharing rajah at ibang nakatataas sa sinaunang lipunang Pilipino.

Kung babasahin sa liwanag ni Mojares (2017a, 86), tunay ngang malayo ang narating nito mula sa pagsasayaw ng mga bata sa harap ng Basilica Minore de Santo Niño.  Matagumpay rin ang paglipat sa cyberspace, lalo na sa Facebook, ng pagpapalaganap at patuloy na pagpapahalaga sa Sinu

Pagpapalaganap ng Kabilin sa Cyberspace:

Ang Sinulog.ph WEBSITE

Marami-rami ring impormasyon ang makikita sa websayt na https://sinulog.ph/sinulog-foundation-inc/.  Inilalahad dito ang mga detalye tungkol sa Sinulog, ang organisasyong nangangasiwa nito (Sinulog Foundation Inc.), mga iskedyul, at pati ang mga criteria sa mga patimpalak.  Ngunit kung papansinin, higit na dinamiko ang Facebook page kaysa rito dahil sa mga posts na interaktibo at madaling i-reak ng mga online user.  At mas madaling ma-access at makapagreak ang mga tao sa Facebook kung ihahambing ang websayt. Gayumpaman, may makikita pa ring halaga ang websayt.  Kapag tiningnan ang page ng Sinulog sa Kabataan (Sinulog.ph w.tn.a), mapapansin ang paglalahad ng criteria sa pagsali.  Mababakas ang pagdiin sa pagiging tapat sa diwa ng himig at mga paggalaw ng sayaw, na isa sa mga pangunahing criteria sa pagsusuri sa mga grupong sasayaw. Bukod pa rito, kailangan ding live ang tugtog o percussion accompaniment na gagamitin, at hayagang ipinagbabawal ang paggamit ng nakarekord ng mga himig.  Pinakalamahalaga ang punto 11 ng 18 criteria ng patimpalak:

The Sinulog beat must be used although slight may [be] allowed.  Any entry who will not use the Sinulog beat shall be disqualified.  (Judges should be strict in implementing this rule because it is the “beat” that differentiates the Sinulog from from [the] other Philippine Festival[s] particularly Ati-Atihan and Dinagyang).  The beat is the one distinguishing characteristics [sic] that should be maintained all through the years or else the Sinulog will lose its identity (Sinulog.ph w.tn.a).

Gayumpaman, bibibigyang-laya ang mga contingent (na binubuo ng 60-100 kasapi) na ipakita ang kanilang tema sa kasuotan at pagsayaw (Sinulog.ph w.tn.a). Samantala, mayroon ding mga pagtalakay sa websayt mismo kung paano makakalahok ang mga tao sa Sinulog sa Barangay at sa Sinulog Based-Category na patimpalak. Sa Sinulog-based participation, may karampatang parusa na limang (5) puntong bawas sa mga contingent na di makatalima sa nasabing mahigpit na alintuntunin (Sinulog.ph w.tn.b).  Mayroong ding mga alintuntunin na kahawig doon sa Sinulog sa Kabataan, at ang pinakamahalaga ay ang pagdiin sa paggamit ng kompas ng Sinulog (Sinulog.ph w.tn.c).  Bukod pa rito, mayroong ding mga rules para mga photo contest, paggamit ng mga puppets, paggawa ng mga float, at pati paggawa ng mga visual merchandise (Sinulog.ph w.tn.a). Masasabing nakatulong din ang naka-langkap sa websayt na mapa at kautusang tagapagpaganap tungkol sa ruta ng Sinulog para sa 2018. Sa pamamagitan ng mga iyon, mababatid ng mga tao saang mga lugar ang may inaasang mga pagdaraos at anong mga kalye sa Lungsod ng Cebu ang inaasahang matatrapik dahil sa mga events na kaugnay ng Sinulog para sa taong ito. Doon naman sa pahina ng websayt na patungkol sa Sinulog Foundation, mababatid na kolaborasyon ito ng Lungsod ng Cebu (na kinatawanan noon nila Mayor Tomas R. Osmena at ang kaalyado niyang si Konsehal Dave Tumulak) at ang ilang pribadong indibidwal na pawang mga negosyante sa siyudad (Sinulog.ph, w.tn.d).

Pagtalakay:

Sinulog bilang kabilin o panublion

Naipakita sa naunang bahagi na may potensyal at bisa ang Facebook at websayt para palaganapin ang mga diwa ng Sinulog.  Bukod pa ito sa tungkuling magbalita tungkol sa paghahanda, mga patimpalak, at iba pang debelopment sa paglalapit ng kapistahan. Matapos ang pasusuri gamit ang discourse analysis sa social media at website content ng Sinulog Foundation, masasabi kong may potensyal ang Facebook at websayt, dahil maaaring maugnay ang mga deboto—lalo na ang mga Cebuano—sa kapistahan, kahit na sila’y nasa ibang bahagi ng Pilipinas o mundo.  May bisa, kasi, batay sa mga reaksyon sa Facebook, may mga tumutugon at nagbabahagi ng kanilang opinyon at saloobin tungkol sa Sinulog.  Mababatid ding may tarak ang pagka-kabilin o panublion ng Sinulog sa mga deboto, partikular ang mga Cebuano.  Dagdag pa rito, masasabi ring naipapadaloy sa pahina ang mga diwa na nagpapatibay sa pagka-kabilin o panublion ng Sinulog.  Kung tutuusin, higit na epektibo ang Facebook dahil dinamiko at real-time ang interaksyon ng mga namamahala ng pahina kaysa websayt.  Bagama’t hindi pa rin dapat maliitin ang potensyal din ng websayt na magbalita o magbigay-impormasyon ukol sa Sinulog.

Ngunit sa kabilang banda, hindi pa lubusang nagagamit ang potensyal ng Facebook para higt na palaganapin ang mga kaisipan ng Sinulog, at ipamalita ito.  Mga halos 65,000 like lamang ang nakamit nito (noong Marso 30, 2018).  Maliit ang bilang pa rin ito lalo na sa isang kapistahang kasing-tanyag at kasing-institusyonalisado ng Sinulog. Maaaring tingnan ito ng mga kinauukulan at ibang mga stakeholder upang matugunan at gawan ng mga karampatang hakbang.

Batay sa mga binanggit na detalye sa itaas, masasabing naisasalin ang kabilin o panublion gamit ang Facebook at websayt.  Lunsaran ang dalawang ito para higit pang makarating sa nakararami ang mga balita, trivia, at pangyayari tungkol sa Sinulog. Sa kabuuan, masasabing kabilin ang Sinulog sapagkat pamana itong may malalim na pinag-ugatan sa panahon ng anitoismo, nahaluan ng mga konseptong Katoliko noong panahon ng mga Kastila, at nainstitusyonalisa pa nitong mga nagdaang tatlong dekada. Kapag inilangkap sa Sinulog ang metapora ng tubig, masasabi na banayad at mala-batis ang Sinulog sa mga nauna nitong pagdaraos, lalo na noong ito’y simple at “folk” na gawain pa lamang. Subalit sa kalagayan ngayong isa itong pormal na kapistahan, maaaaring ihambing ang Sinulog sa isang malalim na ilog, na may malakas na agos na tumatangay sa anumang mga impluwensang nakakalap sa pagdaan ng panahon. Kung titingnan naman ang Sinulog bilang “panublion” at “surundon,” masasabi ring pasok ito sa nasabing konsepto, sapagkat taglay ng Sinulog ang mga katangian ng “paniniwala” at “pananagutan,” na kapwang inako ng mga deboto at nakikilahok para sa Santo Niño. Partikular na pananagutan ang pagdaos ng Sinulog taon-taon, katulad ng ginagawa ng naunang mga henerasyon. At ang mas mahalaga, batay sa kaugnay na konseptong Sugbohanong “panulundun” naman, paniniwala’t mga gawi itong naipamana mula sa mga naunang henerasyon at tila patuloy pang naisasalin. Kahit sa aspektong personal, batay sa mga nasiping komentaryo at tugon sa mga Facebook post, tila bagang may mga sariling responsibilidad ang mga tao na dumalo, o kahit man lang makiisa sa kani-kanilang paraan sa Sinulog.  Pero ang “pananagutan” na ito’y hindi lamang iyong may mabigat na tungkulin, bagkus, isang konsepto itong dinadala sa puso at isipan ng mga tao upang ipamana naman sa susunod na mga henerasyon.  At tungkuling masaya, at sa pangkalahatan, marubdob nilang dinadala o isinasabuhay.

Bukod sa “surundon/ panulundun,” maaari ring magamit nang bahagya ang konsepto ng panublion lalo na sa mga sumusunod pang aspekto: “pagkabutang / kabtangan” at “pamatasan.”  Kung pagsusumundan ang konseptong ito, ang “pagkabutang” ng Sinulog ay ang “kayamanan” ng pananampalatayang Kristiyano-Katoliko. Ang Sinulog din ang nagsisilbing simbolismo ng pagpapalaganap at pagpapatibay sa nasabing sampalataya sa Cebu.  “Kayamanan” din sa aspekto na may nailahok na mga sinaunang konsepto at gawi, lalo na sa kompas at mga hakbang ng sayaw.  At di nga ba, higit na napayaman ang Sinulog sa malikhaing paghuhugpong ng mga konseptong ito? Kung konseptong Cebuano naman ang gagamitin, ang Sinulog ay isang ari-ariang bagamat di nahahawakan ay nararamdaman at taglay ng sinumang nakikilahok dito.

Sa panghuling aspekto, ang Sinulog ay may aspektong “pamatasan,” o mga halagahin at mga kaasalan, mga kumbensyong panlipunan. Makikita naman ang mga ito sa ilang komentaryo sa Facebook.  Para sa mga nagkomentaryo, isang karanasang ispiritwal at relihiyoso ang pagpunta, pagsali o pakikiisa sa Sinulog.  Para sa kanila, hindi lamang simpleng pakikinood o pakikisaya ang pagpunta sa nasabing kapistahan, bagkus mayroon silang nararamdamang presensya ng Panginoon o ng Batang Hesus.

PANGWAKAS

Maraming bagay ang maipapamana sa mga sususunod na henerasyon. Maaaring materyal o hindi materyal ang mga iyan, at nakikilala sa iba’t ibang pangalan: “pamana,” kabilin, at panublion. Tinangka sa papel na itong sipatin ang pagpapalaganap at pagpapatuloy sa debosyon sa Santo Niño at Sinulog bilang mga kabilin at panublion. Partikular na tinignan ang masasabing matagumpay namang pagkasangkapan ng Sinulog Foundation Inc. sa Facebook at websayt upang higit pangmaipalaganap ang debosyon sa Santo Niño at Sinulog sa mga deboto at iba pang interesadong indibidwal. Kadalasang naitutumbas sa “mana” ang mga salita, bagama’t mayroong mga kakanyahang umiiral ang nasabing mga salita mula Kabisayaan.  Sa papel na ito, ginamit ang panublion bilang halos kaparehas na konsepto ng kabilin.  Napagpasiyahang gawin ito sapagkat may kasalatan din ang mga pag-aaral tungkol sa kabilin bagamat tinangka ko ring i-ugnay ang dalawang konsepto.   Gayunman, nangangailangan ng isang hiwalay at higit na mausisang pananaliksik tungkol sa kabilin. Maaaring simulang ito sa mga akdang tumatalakay sa kabilin pati na ang mga talasalitaan at diksyonaryong naisulat sa loob ng kasaysayan ng Cebu at ng mga Cebuano.

Mahirap itanggi ang malaki at mahalagang papel ng Sinulog sa kalinangang Pilipino.  Naiukit nito sa kamalayan ng tila hindi na mabilang na deboto ang kahalagahan ng Santo Niño, isang debosyong tumagal sa loob ng ilang siglo. Nagbabago ang mga anyo ng pagpapakita nito, ngunit nananatili pa rin naman ang buod ng nasabing debosyon.  Sa huli, mga kasangkapan lamang ang social media at websayt.  Ang mas mahalaga, may malalim na damdamin at diwang nag-uudyok sa mga tao na ipalaganap ang isang pananampalataya at pamanang bayan.

 

Sanggunian

 Alburo, Erlinda. 2015.  Bisayang Dako: Writing Cebuano Culture and Arts.  Cebu City: University of San Carlos Press.

Almario, Virgilio, pat. 2001.  UP Diksiyonaryong Filipino; Binagong Edisyon.  Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino at Anvil Publishing, Inc.

Bautista, Julius. 2010.  Figuring Catholicism: An Ethnohistory of the Santo Niño de Cebu.  Quezon City: Ateneo de Manila University.

 

Binisaya.com. w.tn.  Kabilin.  Websayt ng Binisaya.com, https://bit.ly/2MlzXQU (nakuha noong Disyembre 29, 2017, Agosto 9, 2018, ).

 

Bouvier, Gwen. 2015.  What is a Discourse Approach to Twitter, Facebook, Youtube, and Other Social Media?: Connecting with Other Academic Fields. Journal of Multicultural Discourse 10, blg. 2 (Mayo): 149-162.

 

Estenzo-Ramos, Gloria. 2017.  Every Filipino’s Mana, Kabilin, or Panublion.  Websayt ng Cebu Daily News, pinost noong Oktubre 1, https://bit.ly/2MadGbI (nakuha noong Disyembre 28, 2017).

 

Joaquin, Nick. 2004.  Culture and History.  Pasig: Anvil Publishing Inc.

 

Mojares, Resil. 2017a. Interrogations in Philippine Cultural History. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

_____________. 2017b. The Feast of the Santo Niño: An Introduction to the History of a Cebuano Devotion.  Cebu City: University of San Carlos Press.

Ortiz, Ersa,  Relampagos, Faith Joan, Pejana, Jyn Ruehn; Siarot, Shene Mitchelle; Tolo, Nino; Melchor, Ruby;  Inocian, Reynaldo.  2017.  The Transition of Sinulog Dance Festival in the Face of Modernization.  International Journal ofResearch-Granthaalayah5,blg3(Marso):w.p.

Pigafetta, Antonio. 1524. Magellan’s Voyage Around the World.  Pat. at tsln. James Alexander Robertson.  Cleveland: The Arthur H. Clark Company, 1906.

 

Rama, Vicente. 2003. Ang Santo Ninyo sa Sugbo.  Nasa The Vicente Rama Reader: An Introduction for Modern Readers, pat. at tsln. Rudy Villanueva, 317-323.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

 

Sinulog Foundation Inc. 2011a. About Sinulog Festival.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Agosto 28, https://bit.ly/2MaFL2Y (nakuha noong Abril 7, 2018).

 

Sinulog Foundation Inc. 2011b.  Cradle of Christianity and History.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Agosto 28, https://bit.ly/2AKwSbN (nakuha noong Abril 7, 2018).

 

Sinulog Foundation Inc. 2011c. History of the Sinulog Festival. Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Agosto 28, https://bit.ly/2AG4KGQ (nakuha noong Disyembre 28, 2017).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017a. Details: Sinulog 2017 Event. Facebook ng Sinulog Foundation Inc., https://bit.ly/2LVJ0Mb (nakuha noong April 7, 2018).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017b.  Kitang Tanan Mag Pit Señor! #Sinulog2018.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Disyembre 15, https://bit.ly/2ONZVye (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017c.  Know Your Culture #Sinulog2018.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Disyembre 5, https://bit.ly/2AHksS3 (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017d.  Okey, Spill It!  Tell Us Your #SinulogStories.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Disyembre 8, https://bit.ly/2LUFBxk (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017e.  Sinulog 2017 Branding and Teaser.   Facebook ng Sinulog Foundation Inc., https://bit.ly/2AL3uSN (nakuha noong Enero 4, 2018).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017f.  We were Doing the Sinulog Way Before the Spaniards Came #Sinulog2018.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Disyembre 6, https://bit.ly/2M10iqq (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog Foundation Inc. 2017g. Whoever Thought a Simple Gift Would Become the Symbol of Cebu? #Sinulog2018.  Facebook ng Sinulog Foundation Inc., pinost noong Disyembre 9, https://bit.ly/2KvGMxs (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog.ph. w.tn.a.  Guidelines. Websayt ng Sinulog.ph, https://bit.ly/2ndQyuT (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog.ph. w.tn.b.  Sinulog-based Participation.  Websayt ng Sinulog.ph, https://bit.ly/2MjxkyZ (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Sinulog.ph. w.tn.c.  Sinulog sa Kabataan.  Websayt ng Sinulog.ph, https://bit.ly/2ndQyuT (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

Sinulog.ph. w.tn.d.  Sinulog Foundation, Inc.  Websayt ng Sinulog.ph, https://bit.ly/2ndQyuT (nakuha noong Agosto 12, 2018).

 

Sugbuanong Kabilin. 2012.  Sugbuanong Kabilin: Description.  Youtube ng Sugbuanong Kabilin, https://bit.ly/2vha2TO (nakuha noong Disyembre 30, 2017).

 

Walang Awtor (WA). 1888a. Gozos cang Santo Niño.  Nasa Cebuano Poetry Until 1940: Sugboanong Balak, mga pat. Erlinda Alburo, Vicente Badillo, Simeon Dumdum Jr., at Resil Mojares, 68-73.  Cebu City: University of San Carlos Press, 1988.

 

Walang Awtor (WA). 1888b.  Gozos cang Santo Niño.  Tsln. Don Pagusara.  Nasa Panulaang Cebuano, pat. Erlinda Alburo, 68-75.  Cebu City: University of San Carlos Press, 1993.

 

Villan, Vicente. 2017.  Kahulugan, Larangan, at Kabuluhan: Ang Panubliong Bahandi ng Pangkat-Etnikong Bisaya sa Pag-aaral ng mga Pamanang Bayan sa Kanlurang Kabisayaan.  SALIKSIK E-Journal 6, blg 1 (Mayo): 272-299.

 

Villaruz, Basilio. 2006.  Treading Through: 45 Years of Philippine Dance.  Quezon City: University of Philippines Press at Philippine Folklife Museum Foundation.

Wolff, John (tagatipon). 1972.  A Dictionary of Cebuano-Visayan (unang volyum).  Ithaca: Cornell University Southeast Asia Studies Program at Linguistic Society of the Philippines.

.