Dalawang tula hinggil sa ating Watawat

Karaniwan nang nakikita natin ang ating bandilang iwinawagayway sa mga opisina, paaralan, kampo o base-militar. Matagal nang naituro sa atin ang kahulugan ng bawat kulay  at ang araw at bituing nakatatak sa ating bandila. (Isinasasagisag ng asul ang “universality” habang isinisimbolo ng pula ang katapangan). Naitatampok na rin ang ating watawat sa ating pop culture, at maihahalimbawa dito ang dalawang kanta ni Francis M, ang “Watawat” at “Three Stars and a Sun.”  Itinampok na rin ng Rivermaya ang watawat nang gawan nila ito ng kanta na isinadya/”commissioned” para sa isang news program ng isang malaking broadcasting station.

Kaya tila mahirap nang madalumat na pinagdalamhati ng ating mga makata ang pagbabawal na maiwagawayway ito alinsunod sa atas ng mga mananakop.

Subalit sumapit talaga tayo ang panahong ito. Kung babalikan natin ang ating kasaysayan,  ipinagbawal ng mga Amerikano-sa pamamagitan ng Philippine Commission mula 1907 hanggang 1919 ang pagpapawagayway ng mga Pilipino ng bandila. Tinatawag itong “Flag Act” at isa itong amendment o dagdag na probisyon sa “Anti-Sedition Law” na ipinasa ng mga Amerikano upang maisupil ang patuloy pang paghangad natin sa kalayaan. Ayon kay Ambeth Ocampo: “(The Flag Law) made the public display of a Philippine flag tantamount to treason. If caught and proven gulity in court,the offender was punished by a prison term of not less than three months and not more than five years.” (Ocampo, 1994). Hindi pa kasama dito ang multang nagkakahalaga mula 500 piso hanggang 5,000 piso. Binawi lamang ang batas na ito ni Gobernador Heneral Francis Burton Harrison na nagdeklara pa ng “Flag Day” na siyang hudyat na pinapahintulutan ang mga Pilipinong iwagayway ang bandila.

Narito ang sipi ng dalawang tula ng ating mga naunang makata at paano nila ipinahayag ang kanilang pagmamahalsa bansa sa pamamagitan ng pagsaludo sa bandila.

“Ang Ating Watawat”

Ni Inigo Ed Regalado *mula sa kalipunang Damdamin: Mga Piling Tula

*binubuo talaga ang tulang ito 13 saknong subalit sinipi ko lang ang 5 saknong mula sa simula  at pangwakas na bahagi ng tula.

1.)

Sa puso ng lalong maliit na lahi,
sa diwa ng lalong bayang nalugami,
simulan sa lalong mababang uri
hanggang sa dakila’t matayog na Hari,
ay may isang bagay na dakila’t tangi,
isang kayamanan, isang pag-aaring
katumbas ng langit, ligaya’t l’walhati,
isang karangalang kapag inaglahi’y
ipinagtatanggol nang walang pangimi,
dugo at buhay ma’y di na sinusuri
matubos na lamang at huwag mapawi…
Iyan ang Watawat: Ang dakilang Ari!

2.)

Magmula sa mga maralitang bayan
na nakalipana sa Kasilanganan,
hanggang sa malaki at lalong mayaman
na nangakahiyas sa dakong Kanluran,
ay pawang mayroon niyang kayamanang
kalul’wa ng lahi at buhay ng buhay;
sila’y para-para na may kalayaan
naman sa pagsamba sa kanilang yaman,
sa Watawat nilang pamumuhunanan
ng buhay at dugo upang itangkakal,
pagkat ang bandilang mabaon sa hukay
sa lahing may-ari ay sapot na lamang.

3.)

Ngunit hintay muna! Ang ating Watawat
ay nasaan ngayon at di namamalas?
Tayo bagay’y wala at hindi katulad
ng maraming lahing may bandilang hawak?
Hindi!…Tayo’y mayro’ng maiwawasiwas
hanggang karurukan ng Dakilang Palad,
siya kung malasi’y mahal, nangungusap
at naglalarawan ng buhay at hirap
ng bayang sa kanya ay nagsasagisag;
siya’y sumisigaw na tayo’y di hamak,
api man sakali’y hindi sa hikayat
at ang nagkanulo’y libong Hudas!

4.)

Siya ang sa sungit sa gabing madilim
naging isang talang sinapot ng lagim
tatlong daang taong parang napahimbing,
at nagwalang-kibong wari’y hindi pansin
ang pansamantala ng maraming sakim;
kahit na lugami at dusta-dustain
ganda ng ugaling tanggap at tanggap din
sa nakikituloy at ibig humimpil.
Paminggala’y bukas sa bawat dumating!
Iya’y sumusumbat sa nagsisiriing;
Huwag lang mamatay ang dangal na angkin,
kahit na ang yaman ay sakmal-sakmalin!

***

13.)

Datapwat Lahi ko! Dapat kang sumigaw
Watawat mo; y hinging masamba’t
ilagay sa mahal mong lupa…Huwag kang humimlay:
alalahanin mong sa bayan mong mahal,
ang namamahala ay hindi na ikaw…

***

Interesante naman ang tulang “Aming Bandila” ni Tomas Baguio. Ipinapakita sa tulang ito ang pagpahayag ng isang makatang Sebuwano ng kaniyang pagmamahal sa bandila sa pagtula sa wikang Sebuwano rin. Patunay ang tulang ito na sumapit ang isang panahon sa ating bansa na tinangkang magkaisa ng mga Pilipino alang-alang sa pambansang kasarinlan.Binubo ito ng pitong saknong.

Aming Bandila

Ni Tomas Baguio (salin sa Filipino ni Don Pagusara)*mula sa kalipunang Panulaang Cebuano

Yao’y sa maluwalhating bukang liwayway
sa Araw ng Kalayaan binasbasang liwanag
Ng kaitaasan matapos  mawasak,
Ang bilangguan ng aming Lupang Tinubuan.

Sa kaitaasan, naririyan siya,
Hinihipan ng lahat ng hangin;
Matagumpay man ang Agila’y
Hindi nito magagalaw, hindi matatangay.

‘Pagkat alam ng buong mundo
Na dahil sa kanya, maraming dugo
Ng aming kapatid ang umagos
Kaya’t masasawi ang sa kanya’y tumampalasan.

Masdan ang kulay niyang bughaw,
Pula at puti ang hindi marurumhan
Ng maburak na kulay ng karuwagang
Buhay na binhi ng kaalipnan.
Iyang araw at tatlong bituing
Marikit na sa kanya’y nakatatak
Ay di mabubura, matangay man
Ang Pilipinas nitong malaking Agila.

O Bandila naming sinasamba
Ipagtatanggol at ipaglalaban ka
Kailan ma’t saan man,
Maging sa bingit ng kamatayan!

Sakaling gumuho ang Langit at Lupa
At walang sa kanya’y mapagtirikan
Asahang sa libinga’y aming ipaghanap
ng luga(r) na siya’y pagdalanginan.

Sanggunian: Panulaang Cebuano (1993) Salin ni Don Pagusara at tinipon ni Erlinda Alburo, pahina 91-92;  Damdamin: Mga Piling Tula (ni Inigo Ed. Regalado), Roberto Anonuevo (editor), pahina 179-185; “Thank You America” (1994) sa Luna’s Moustache, kalipunan, Ambeth Ocampo (1997).

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s