Tula at apoy: isang (maikling) pagsusuri sa librong Liyab ng Alaala ni Roberto Anonuevo

Tulad ng apoy, mahiwaga para sa atin ang tula. Sa pamamagitan ng talinghaga, maaaring idala tayo nito sa kung saang lugar, o hindi kaya naman ay hinahamon tayo ng mga simbolo at bugtong na kapag atin nang nawari ay nagbibigay ng panibagong pananaw sa mga ordinaryong bagay sa buhay.

Ngunit kung hindi maingat ang mambabasa sa pagsuri ng mga talinghaga, berso at ang mensaheng nais ipahatid ng tula, ay maaaring mapaso siya sa liyab ng pagkalito.

Gayumpaman, hindi intensyon ng mga tulang nakapaloob sa koleksyong Liyab sa Alaala (2004, UST Publishing House), ni Roberto T. Anonuevo, na manindak ng mambabasa sa pamamagitan ng malalalim na talinghaga. Sa halip ay maaaring magsilbing hamon ito sa mambabasa upang pagmunihan nang maigi ang mga inihahaing berso ng makata hinggil sa paggunita.

Binubuo ng 60 tula ang kalipunan; nakapaloob naman ang mga ito sa 6 na bahagi na ang mga pamagat ay may pagbanggit sa “apoy” bilang metapora sa paggunita:”Hininga sa titis,””Usok sa sentido,” “Ulingang balikat,” “Paanan ng alabok” at “Alipato ng guni-guni.” Mababatid din naman sa kabuuan ng kalipunan ang malikhain, at matalinong, paggamit ng makata sa iba’t ibang uri ng tula: awit, malayang taludturan, tulang tuluyan.

Bagamat karaniwan ang halos lahat ng paksaing kinasangkapan ni Anonuevo sa mga tula, kapansin-pansin naman ang kakatwa at kakaibang pagtalakay niya sa mga ito. Halimbawa na lamang ang tulang “Ang Tarikan,” kung saan kanyang pinagsalikop ang imahe ng pag-aaral sa loob ng klasrum sa tema na tungkol sa karera ng isang manlalaro ng billiards. Pansinin ang mga unang linya ng tula: “Dalubhasa niyang inilagda sa balintataw/ ang aritmetika ng mga bola/ at ang heometriya ng mga pagbanda.” Sa kabuuan ng tula, umiigpaw ang pagtalakay ng tula mula sa karaniwang sitwasyon ng pagbibilyar patungong metapora ng relihiyon, na ang hulagway ay ang waring paghamon ng tao sa Diyos, na siyang pagwawakas ng tula. “At ang  kaniyang Panginoon ay nagparaya sa kaniya/ nang higit sa kayang isaad ng apat na panig ng mesa.”

Mapapansin din sa kalipunan ang pagbanggit ni Anonuevo sa ilang kaganapang politika, kagaya ng digmaan sa Iraq.  Bagama’t masasabing mayroon mensaheng hayagang politikal ang “Resbak, Iraq” dahil sa mga linyang : “Dahil kailangang ituloy mo ang iyong jihad/ Dahil hindi pa tapos ang Pandaigdigang Jihad,” nakasalikop naman sa politikang ito ang simbolo ng giyera  na hinalaw naman sa isang hula ng pantas na si Nostradamus: ” Biglang guguho ang iyong pinakamarikit/ na lungsod sa loob lamang ng isang oras /…dahil sasalakay/ ang agila at leon, ang balang at alakdan,/ ang halimaw na may pitong dikit na sungay.”

Pambihira rin ang paglahok ni Anonuevo, sa kaniyang mga tula, ng mga konseptong hinugot sa mga relihiyong Asyano. Magandang halimbawa rito ang “Bait ng Karagatan,” na kung saan habang kanyang isinasalaysay ang paghahanda ng isang binatang Sama Laut sa buhay-mandaragat ay umaalingawngaw naman ang mga turo at doktrina ng Budhismong Tibetan. Mababatid din ang katulad na pagsalikop ng mga konsepto sa “Santana,” kung saan inihalo ni Anonuevo ang kaniyang naramdamang aliw sa pag-awit ng bantog na musikero sa paggunita ng isang maalamat na ibon sa sinaunang Persya, ang Vispobish.

Sa pambansang antas naman, mapapansin ang paggamit ng makata ng mga ideyang hinugot sa mga mitong Bagobo at Manobo at pati na sa ilang pangyayari sa kasaysayan ng Filipinas. Maaaring patungkol ito sa katapusan ng mundo na isinasagisag ng pag-ipit ng dambuhalang palos sa mundo (“Ang Wakas), o ang muling pagsalaysay sa alamat ng mga Bagobo hinggil sa paglaho (eklipse) ng buwan dahil sa kinain ito ng isang dambulahang ibon (Bakunawa) o ang pagwawagi ng isang boksingerong Pilipino noong 1939 (“Bolo Punch”).

Ngunit, may panganib din ang ilang tula sa kalipunan na sa halip magbigay-liwanag, sa kakatuwang paraan, ay nakakadarang pa sa isip ng mambabasa dahil sa mga malalalim at nakalilitong paggamit ng konsepto. Halimbawa nito ang “Lawa sa Wala.” Bagama’t masining ang paglalaro ng makata sa mga salita “wala at lawa, bagay at yabag,” atbp. waring hindi mababatid ng mambabasa kung ano ang tunay na kahulugan ng tula, na halaw naman sa isang panayam ni Bienvenido Lumbera; narito ang ilang sipi:  “May bágay na gabáy ang yabág/sa poók ni Póko. Siya, na puspós/ ng Salitá, ang itatalí sa supsóp/ na pisí: ang úlam na lumá sa ating ísip.” Bukod pa rito, mukhang mahihirapan ang mambabasa sa pagsipat at pagsuri sa tulang “Adios, Ermita Noventa!” dahil sa isinulat ang tula sa paraang may aksentong Amerikano. Gayumpaman, maaaring ito rin ang kalakasan ng tula dahil ipinapakita at inilalahad rito ang malapit na ugnayan ng mga Amerikano at Pilipino.

Ngunit sa kabuuan, nailahad ni Roberto Anonuevo sa loob ng 60 tula ng kalipunan ang kahalagahan ng maingat at mabusising pagsipat sa gunita. Na katulad ito sa apoy: maaaring masilaw lamang ang isang gumugunita sa alaala sa kinang ng masayang nakaraaan dahil sa kanya lamang tinignan ang panrabaw (paimbabaw) na katangian ng gunita. O dili kaya naman ay napaso siya dahil sa sobrang pagmumuni ngunit hindi naman malaliman ang pagbubulay-bulay.

5 thoughts on “Tula at apoy: isang (maikling) pagsusuri sa librong Liyab ng Alaala ni Roberto Anonuevo

    • maraming salamat din sa inyong komento. Anopaman ang naging dating ng aking pagbasa sa mga tula ni G. Bobby Anonuevo, ang mahalaga ay nagkaroon ng ugnayan ang makata at ang ‘ika nga niya ay ang mga mambabasa/konsumidor ng mga tula. Lalo na sa panahon ngayong nananatili pa rin sa laylayan ang pagsusuri/pagrebista ng mga akda ng mga manunulat sa Filipino. Padayon din!

  1. Bagamat hindi madali para sa atin ang magsuri ng isang tula ang importante po ay naipahayag ng makata ang diwang nais niyang ipaabot sa mga mambabasa nito na talos kong magiging sagwan nila sa buhay.Malaking tulong ito para sa mga mag-aaral na nais ding magsuri ng tula ng ating mga makata.Binabati po kita dahil sa pagpapalakas mo ng loob sa aming mga kabataan. Nais ko po sanang hilingin sa inyo na kung maaari po ay matulungan mo kami kung ano po ba ang mga paraan sa pagsusuri ng isang tula.Ano po ba ang mga dapat na isaalang-alang sa pagsusuri ng tula o gabay sa pagsusuri ng tula. Batid ko po na hindi mo ako tatanggihan. Maraming salamat po sa magiging tugon ninyo. God Bless Pooo.
    maki-email na lang po sa email add ko.. ito po…mhelance_4u@yahoo.com at makitxt nyo po ako sa numerong ito kung meron na po kayong tugon. Importante po…salamat po.(09084634565)

    • Salamat sa pagbasa sa aking rebista (book review) sa libro ni Bobby Anonuevo! Pagdating naman sa tanong mo sa pagsuri ng mga tula, isang malawak itong gawain, at aminado akong maraming hindi pa masasaklaw sa karaniwang book review. Batay sa aking mga nabasang kritka at libro, maraming klase ng pagbasa at pagsuri ng mga tula, depende sa ginagamitang teorya. Pero sa pangkalahatan, karaniwang tinitingnan ang porma at nilalaman ng tula May mga kritiko na mas pinapahalagahan ang porma dahil sa paniniwalang mas mangingibabaw dapat ang estetika sa halip ang mensahe o nilalaman. Kung ganoong klaseng pagsusuri ang pagbabatayan ng isang manunuri, titignan niya sa tula kung sumunod ba ito sa mga tuntuning panggramatika, retorika, at kung paano nagamit ang wika sa matulaing paraan (paglahok ng metapora, paglalaro ng mga salita atbp.) Sa kabilang banda naman, kapag susuriin ang tula ayon sa nilalaman nito, sisipatin o pag-aaralan ng kritiko ang tula kung ano ba ang gustong ipahatid ng makata. Sa ganitong pananaw binabasa ng mga kritikong Marxista o makakaliwa ang mga tula (kung nanghihikayat ba ito ng panlipunang pagbabago, o kahit man lang pagbibigay-kilala sa mga problema sa lipunan).

      Dahil nga isang malawak na larangan ang pagsuri ng tula, nakabubuting pag-aralan ang mga akda nina Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario, at mga blog post ni G Anonuevo (Alimbukad). (Bagama’t marami-rami pang mababanggit na kritiko, hindi ko pa maalala sa ngayon kaya ipagpatawad) Sa tingin ko, mas makakapagpaliwanag sila sa mga teorya at kaisipang pumapaksa sa pagtula. Sana ay nakatulong ako sa pagsagot sa iyong tanong.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s